Isang mag-asawa sa San Fernando, Romblon ang natabunan ng landslide bandang alas-8 ng umaga kanina, December 17, sa gitna ng pananalasa ni Urduja.
Kinilala ni Harley Relox, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng bayan, ang mga natabunan na sina Matilde Romero at Masoline Romero, pawang 60-years old at residente ng Sitio Paraw, Barangay Mabini, San Fernando, Romblon.
Ayon kay Relox, bandang alas-8 ng umaga ng lumapit sa kanila ang Barangay Captain ng Barangay Mabini at ibinalita na nagkaroon ng landslide sa bahagi ng Sitio Paraw, Barangay Mabini kung saan malaking bahagi ng bundok ang gumuho at natabunan ang national road kasama ang bahay ng mag-asawa.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng MDRRMO, BFP, at PNP kaninang umaga hanggang alas-2 ng hapon ngunit bigo silang makita ang katawan ng dalawa.
Itinigil nila ang operation dahil sa pangambang baka madagdagan pa ang pagguho ng bundok at madamay pa sila dahil hanggang ngayon ay patuloy na nakakaranas ng pag-uulan ang lugar.
Sinabi rin ni Relox na imposibleng mabuhay pa ang dalawa dahil light materials lang ang bahay nila at maaring nasira na yun ng rumagasang lupa na may kasama rin umanong mga bato.
Susubukan nila umanong ipagpatuloy ang operation bukas kapag maganda na ang panahon.