Ipinagdiriwang ngayon ng bayan ng Sibale ang kapistahan ng kanilang patron, ang Immaculada Concepcion bilang pagpaparangal kay Birheng Maria.
Pormal itong nagsimula noong ika-4 ng Disyembre hanggang sa mismong araw nang kapistahan nito sa ika-8 ng naturang buwan ng taong ito.
Isang banal na araw hindi lang para sa mga Katolikong taga-Sibale, pati na rin sa lahat na residente ang kapistahan ng Immaculada Concepcion.
Bahagi ng kapistahan ang pagdaraos ng mga misa, prusisyon at ang tradisyon na Biniray.
Kasama rin sa pagdiriwang ang mga ibat-ibang palaro gaya ng basketball, volleyball at ang kinagigiliwang bankaton.
Mayroon ding paligsahan sa pag-awit, paligsahan sa pagsayaw, paligsahan ng mga naggagandahang binibini, ganoon din ng mga natatanging tatay at nanay ng Sibale.
Nandiyan din ang nakakatuwang street dance na isinasagawa ng mga mag-aaral mula sa elementarya sa mismong araw ng kapistahan sa ika-8 ng Disyembre.
Kasabay rin ng kapistahang ito ang magkasunod na araw na pagdiriwang ng pagkakatatag ng dalawang paaralang sekondarya ng Sibale, ang Sibale Academy of the Immaculate Conception (SAIC) at ang Concepcion National High School (CNHS) na itinuturing na dalawa sa pinakaaabangan ng mga tao.
Gaya sa mga nakalipas na taon, hindi nawawala ang mga baratilyo at ilang mga bilihin gaya ng mga masasarap ng pagkain. Maituturing na kasi na kabilang ito sa nagpapasigla sa mga tao bago pa man ang ika-8 ng Disyembre.
Katunayan, isa rin ito sa mga inaabangan ng mga residente ng Sibale pati ng rin ng ilang bisita galing sa ibang lugar.
Hindi rin nawawala ang tradisyong paghahanda sa mga bahay-bahay kung saan ay puwedeng kumain ng libre ang kahit sino mang mga bisita.
Natutuwa naman ang local na pamahalaan, ang pamunuan ng simbahan ng Sibale at ang mga residente at bisitang dumadalo sa kapistahan na ito dahil nakikita at napapansin nila na lalong gumaganda at sumasaya ang Banal na Kapistahan ng Immaculada Concepcion taon-taon.