Iniutos kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang istriktong implementasyon ng batas hinggil sa pagsusuot ng helmet ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at mga angkas nito.
Sa isang memorandum circular na ipinalabas ng DILG kamakailan, istriktong pagpapatupad ng batas ang kinakailangang gawin na naaayon sa RA 10054 o ang pag-uutos sa lahat ng motorcycle riders na magsuot ng helmet bilang proteksyon sa pagmamaneho.
Inaatasan ng DILG ang mga lokal na opisyal, maging ang mga punong barangay na ipatupad ang nasabing batas sa kani-kanilang nasasakupan at isiguro ang pagsunod sa mga probisyon na nakapaloob dito.
Matatandaan na ang RA 10054 ay nilagdaan noong Marso 23, 2010 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Layunin ng batas na ito na isiguro ang kaligtasan ng mga operator o nagmamaneho ng motorsiklo at kanilang mga angkas sa lahat ng oras sa pamamagitan ng mandatory enforcement ng paggamit ng standard protective helmet sa pagmomotorsiklo. Ang standard protective helmet ay dapat naaayon sa specifications na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).
Samantala, nagpalabas din ang DILG Mimaropa ng kaugnay na memorandum na nag-uutos sa mga Provincial Director, City Directors, Municipal at City Local Government Officers, at iba pang konsernadong ahensya para sa malawakang pagpapakalat ng kaalaman hinggil sa nasabing kautusan. (LTC/CPRSD/PIA-Mimaropa/Calapan)