Pinaalalahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Romblon ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na huwag susubukan ang Small Town Lottery (STL) na nagbukas ng operasyon sa lalawigan ng Romblon nitong Biyernes, December 08.
Ayon kay Pantawid Pamilya Provincial Grievance Officer Jomel Fillartos, nasa guidlines ng Department of Social Welfare and Development na hindi pwedeng ma-involved sa anumang bisyo o sugal mapa-ligal man o di-ligal ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
“Tinitingnan po kasi namin na kami as a DSWD, meron po kaming tinatawag na FDS kung saan pumapasok yung values formation sa family. So, kahit pero po ni Pantawid o hindi, basta nagsugal ay bawal.” pahayag ni Fillartos sa Romblon News Network.
“Kasi ang tinitingnan natin jan ay yung behavior, kahit ano man ang source ng ginagamit pang-sugal,” dagdag ni Fillartos.
Malaki umano ang epekto sa batang nakikita ang magulang na nagsusugal lalo na sa mga susunod na henerasyon.
“It’s a No! No! talaga kasi ang sini-save nalang din natin sa ngayon ay yung susunod na henerasyon, kasi kung makita sila nang mga anak nila, susundin at susundin sila. Hindi lang kami limited sa sugal, pati na rin yang pagbibisyo: pag-iinum, pagdo-droga,” pahayag ni Jomel Fillartos.
Ang mga lalabag umano sa patakaran ng Department of Social Welfare and Development ay maaring mabigyan ng warning kapag unang beses ginawa, suspension (for two months) kapag sa pangalawa, at ang pangatlo naman ay termination na bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Maaring isumbong sa pinakamalapit na Municipal Social Welfare and Development Office o sa opisina ng Department of Social Welfare and Development ang mga miyembro ng 4Ps na makikita nilang nagsusugal o di kaya’y nagbibisyo.