Hindi nakarating sa lalawigan ng Romblon o anumang probinsya sa MIMAROPA Region (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang gamot na Dengvaxia ng Sanofi Pasteur.
Ito ang kinumpirma sa isang email ni Glen Ramos, Community Affairs and Media Relations Officer ng Department of Health (DOH) MIMAROPA sa Romblon News Network.
Noong 2015, tumaas ng halos 50% ang kaso ng dengue sa buong lalawigan ng Romblon ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Batay rin sa taya ng Provincial Health Office, nitong January hanggang August ng taong 2017 ay umabot sa mahigit 109 katao ang pinaghihinalaaang tinamaan ng sakit na dengue sa buong probinsya ng Romblon.
Matatandaang nitong nakaraang buwan ay pinatigil ng Department of Health ang paggamit sa gamot na Dengvaxia matapos maglabas ng resulta ng pagsusuri ang Sanofi Pasteur na nagsasabing mas mataas ang tiyansa na tamaan ng dengue ang mga nabigyan ng gamot na hindi pa tinatamaan ng sakit.