Nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Odiongan nitong nakaraang araw na kumukontra sa nakaambang operasyon ng Small Town Lottery ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa kanilang nasasakupan.
Ang nasabing resolusyon ay ipinanukala ni Sangguniang Bayan Member Rollie Lachica na sinupurtahan naman ng lahat ng Sangguniang Bayan Members.
Ayon kay Vice Mayor Mark Anthony Reyes, magsasagawa sila ng Signature Campaign sa Lunes laban sa nakaambang operasyon ng Small Town Lottery.
Hiling naman ni Vice Mayor Reyes na magkaisa sana ang mga taga-Odiongan na kontrahin ang pagsisimulang pag operate ng STL sa Odiongan kagaya ng ginawa sa pag-kontra sa pagmimina.
Nagpahayag naman ang mga lider at ang Presidente ng Liga ng mga Barangay na kaisa sila sa pagkontra sa pag-operate ng STL sa bayan ng Odiongan.
Patuloy na kinukuhaan ng Romblon News Network ng pahayag ang operator ng STL sa bayan ng Odiongan kaugnay sa nasabing isyu.