Nagpulong sa Legislative Building ang mga leaders ng iba’t ibang religous group sa bayan ng Odiongan, Romblon para iparating sa Local Government ng Odiongan na kinokontra nila ang planong pag-operate ng Small Town Lottery (STL) sa nasabing bayan.
Ayon kay Pastor Teofilito Rufon, ang sugal ay isa paring sugal kahit gawin man itong ligal ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Naniniwala rin umano ang mga dumalong church leaders na kakayanin ng mga taga-Odiongan at handa silang labanan ang plano ng operator ng STL na mag-operate sa Odiongan.
Kasama rin sa pagpupulong sina Mayor Trina Firmalo-Fabic, at Vice Mayor Mark Anthony Reyes na pinakinggan ang mga saloobin ng mga church leaders.
Ayon kay Vice Mayor Reyes, simula nang marinig niya ang usapin patungkol sa pagpasok ng STL sa nasasakupang bayan ay agad umano siyang gumawa ng hakbang para sa pagpigil rito.
Sinabi naman ni Mayor Fabic na nakipagpulong umano sa kanila ang mga operator ng STL nitong Sabado ngunit wala umano silang maipakitang papeles galing sa Philippine Charity Sweepstakes Office na nagbibigay sa kanilang ng permit na mag operate sa Odiongan.
Pinatigil na rin niya umano ang commercial ng STL sa Radyo at pinatanggal ang mga nakasabit na tarpulins at hindi ito ibabalik hangga’t walang naipapakitang papeles ang operator nito sa munisipyo ng Odiongan.