Nitong Nobyembre 30 ay ating inalala ang kaarawan ni Andres Bonifacio, ang tinaguriang Ama ng Himagsikan at Supremo ng Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o mas kilala sa tawag na ‘Katipunan’ – isang kilusan na naglayong isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa kolonyal na pamamahala ng mga kastila (Espanya).
Itinuturing din si Supremo Andres na ‘de facto national hero’ ng Pilipinas dahil sa kabayanihan nyang ito. Masasabi natin na kung hindi dahil sa paghihimagsik ng Katipunan, hindi naging matagumpay ang pagkakaroon ng kasarinlan na hanggang sa ngayon ay ating tinatamasa.
Sa ngayon, maalab pa rin ba sa atin ang diwa at espiritu ng totoong rebolusyon?
Tila naiba na ang pananaw ng ibang mga Pilipino ngayon hinggil sa rebolusyon, lalo pa’t ngayon may mga nagsusulong ng Revolutionary Government (RevGov) na umano ay dapat maging sistema ng pamumuno ni Pangulong Duterte. Kung hindi ka matatawa ay magtataka ka, ano bang klaseng rebolusyon ang tinutukoy ng mga taong ito, o kaya ano ba ang pagkakaintindi nila sa rebolusyon?
Una, kung may rebolusyon mang mangyayari, dapat ito ay pasisimunuan ng mga kontra sa pamumuno ni Pangulong Duterte at hindi ng mga pro-Duterte. Di ko ma-imagine ang logic – ang mga pro-Duterte ay magrerebolusyon pabor kay Pangulong Duterte upang isulong ang revolutionary government ni Pangulong Duterte? rebolusyon ba tawag doon? Kung hindi naman rebolusyon, so bakit at paanong magkakaroon ng revolutionary government si Pangulong Duterte?
Ang isinusulong na revolutionary government ng mga supporters ni Pangulong Duterte ay labag sa constitution kaya pwedeng sabihin na treasonous ito. Sabagay, maaaring hindi naman talaga nila naiintindihan kung ano ang sinasabing revolunatiory government dahil maaaring sila ay biktima lamang sa mga pagbi-brainwash ng mga lider na nagsusulong nito, tulad na lamang ng tinatawag nilang People’s Congress na ultimo DILG ay pinabulaanan ito.
Sa pagalala natin ng kaarawan ni Supremo Andres Bonifacio, panatilihan din sana natin sa ating mga isipan ang totoong diwa at espiritu ng rebolusyon.