Mahigit sa 1,000 katao ang nakilahok sa ginanap na rally at community walk sa Odiongan, Romblon ngayong araw sa Odiongan Children’s Park and Paradise bilang pagpapakita ng pagtutolol ng mga residente sa operasyon ng Small Town Lottery.
Pinangunahan ng Inter-Faith Council ng Odiongan, Romblon ang nasbaing ‘peaceful rally’ kung saan nakilahok ang mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa Odiongan, mga barangay captains at mga kagawad, mga church members, at mga residente ng Odiongan.
Full support rin sa rally sina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic at Vice Mayor Mark Anthony Reyes kung saan dumalo rin kasama ang mga empleyado ng munisipyo.
Sa isang talumpati ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, inisa-isa niya kung bakit tinututulan ng munisipyo ang operasyon ng Small Town Lottery sa bayan.
Una rito ay ang hindi umano pagdaan sa munisipyo ng Pines Estate Gaming Corporation na sila ay magbubukas ng STL sa Odiongan, nalaman nalang umano ng munisipyo matapos marinig sa patalastas sa radyo.
“Dapat sa pagbaba ng isang programa ng gobyerno ay mayroong konsultasyon sa mga taong maapektuhan ng nasabing programa o polisiya.” ayon sa alkalde.
“Sinasabi nila na sagot ang STL sa ilegal na operasyon ng Jueteng sa Romblon ngunit wala namang jueteng sa Romlbon. Sa Odiongan ay wala na ring loteng at kung meron ay patago nalang,” dagdag ni Mayor Fabic.
“Nagpadala na tayo ng sulat sa PCSO hinggil dito: hindi tumutupad sa 2016 Revised IRRs ang nakakuha ng prangkisa para sa STL sa Romblon: ang STL station/outlet ay located within 100meters ng isang place of learning at isang place of worship, na hindi dapat.” dagdag pa ng alkalde.
Suportado naman umano ng LGU-Odiongan ang mga programa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) lalo na ang pagbibigay nila ng tulong sa mga may sakit ngunit hindi ang STL na masyado umanong agresibo dahil tatlong beses kada-araw ang bola.
Samantala, inudyok ni Pastor Teofelito Rufon, isa sa miyembro ng Inter-Faith Council ng Odiongan ang mga dumalo na sabihan ang lahat ng kakilala nilang huwag tangkilikin ang STL.
Ipakita rin umano sa social media ang pagkontra sa nasabing ‘sugal’.
Ang Small Town Lottery ng Pines Estate Gaming Corporation sa Romblon ay nagsimula nang mag-operate nitong nakaraang Biyernes, December 08.
Nagpasa na rin ng resolusyon ang Sangguniang Bayan at Association of Barangay Captain sa Odiongan nitong nakaraang Linggo kung saan kanilang ino-oppose ang operasyon ng STL sa Romblon.