Limang wanted persons sa buong probinsya ng Romblon ang naaresto ng mga pulis ng Romblon Police Provincial Office nitong araw ng Miyerkules bilang bahagi ng kanilang mas pinaigting na police operations.
Isa sa naaresto ay si Ronald Reaño Orbe, 31, residente ng Sitio Agnocnoc, Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon. Inaresto si Orbe dahil sa kasong Qualified Theft na may piyansang P30,000.
Sa bayan naman ng San Agustin, Romblon; naaresto ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station si Mar Dominic Abrencillo Correa, 51, dahil naman sa kasong Libel. Nakakulong na siya ngayon sa San Agustin Municipal Police Station at maaring makapag piyansa ng P10,000 para sa kanyang kalayaan.
Arestado naman dahil sa kasong attempted murder si Glenn Roesevelt Obrique Agbas o alyas Digol, 35 taong gulang, at residente ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon. March 20, 2013 pa ang warrant fo arrest ni Agbas. Nakakulong na siya ngayon sa San Andres Municipal Police Station.
Sa Odiongan naman arestado dahil sa kasong rape ang isang 63-taong gulang na Lolo na kinilalang si si Julie Magayon Venus, residente ng Barangay Patoo, Odiongan, Romblon. Taong 2011 pa ang warrant of arrest ni Venus.
Arestado naman sa New City, Imus Cavite si Archie Rabino, 22-taong gulang, at residente ng Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon dahil naman sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o mas kilalang Revised Forestry Reform Code of the Philippines.