Alam nyo bang sa may bandang puno ng ‘kalonakon’ sa may barangay Mayha sa bayan ng Odiongan, along the road paglampas sa boundary ng barangay Tulay ay may kwento ng kababalaghang nagpasalin-salin na rin sa mga henerasyon?
Maliit pa lamang ako nang marinig ko ang mga iba’t ibang kwento ng kababalaghan na aakalain mong pangpelikula na umano ay nagaganap sa may bahagi ng national road papuntang barangay Mayha na may malaking puno ng kalonakon. Ang bahagi ng lugar na ito actually ay tinatawag na ‘kalonakon’. Biruin mo nga naman, ang nasabing puno ay nakatayo sa may gilid ng burol, na sa opposite naman nito ay puno ng kawayan na nagsisilbing bakod sa pampang ng ilog.
Ayon sa kwento ng mga matatanda, dati walang pinipiling oras ang kababalaghang nangyayari sa kalonakon. Kahit alas dose ng tanghali at kahit anong araw, ang puno ng kawayan umano ay sumusuklob sa bahagi ng kalsada na tila yumayapos sa puno ng kalonakon.
Mararamdaman umano ng isang tao, lalo kung sya ay solo na dumaan sa bahagi ng lugar na ito, na may nakamasid sa kanyang ibang mga mata, kahit wala syang makitang tao sa paligid. Ramdam din umano na tila may sumusunod sa kanya na tila halos nasa kanyang likuran lamang. Kaya hindi maiwasan na tumindig ang balahibo ng taong mapapadaan sa nasabing lugar lalo kung sya ay solong bumabaktas rito. Ang pagtayo ng balahibo umano ang sensyales na may ibang espiritu na malapit sa’yo kapag napadaan ka sa lugar na ito.
Ang mas nakakatakot umano ay ang pagdaan sa nasabing lugar sa gabi. May maaamoy umano na parang amoy varnish ng kabaong o kaya ay amoy ng bulaklak ang mapapadaan sa nasabing lugar, mga kaluskos sa gilid ng burol, at ang matindi sa lahat, may makikitang kabaong na nakabitin sa puno ng kalonakon. Dahil sa takot, kahit ano pang karipas ng takbo umano ay sa huli mare-realize na paikot-ikot lamang pala sya sa puno ng kawayan o ng kalonakon. Mahihimasmasan lamang umano sya kapag may ibang sasakyang mapadaan na sa kalsada at mapansin sya ng ibang taong dumaan.
Ayon sa mga dating nainterview kong mga matatanda sa barangay Tulay at Mayha, totoo naman daw na ‘ranoan’ o ‘taboan’ ang nasabing lugar, at ang bahagi ng burol na kinatatayuan ng puno ng kalonakon. Naka-konekta umano ang puno ng kalonakon sa tinatawag namang ‘kayatong’ o kalatong, na isa ring sikat na lugar ng mga engkanto sa bayan ng Santa Fe, Romblon.
Sa mga taga Mayha, Tabobo-an at Tulay, narinig nyo na rin ba ang kwentong ito? Please share your thoughts.