Tapos na sa wakas ang ASEAN Summit pero hindi ang kalbaryo sa trapik. Ngayong nakauwi na ang mga world leaders at mga delegado, back to normal ika nga ang buhay sa Pilipinas, lalo na sa mga motoristang naperwisyo ng matindang trapik noong Sabado, Nobyembre 11, nang magsidatingan ang mga VIP.
Sabi ng ating kurimaw, kung mayroon man daw talagang magandang bagay na idinulot itong summit, ito raw ay ang pagkakatuklas sa solusyon sa trapik. Ano iyon? aba’y gawin daw holiday ang buong taon.
Kapansin-pansin kasi na maliban sa araw nang dumating ang mga VIP noong Sabado, sa mga sumunod na araw na deklaradong holiday, pati na ang araw ng kanilang uwian, aba’y naging maluwag na ang daloy ng trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila, kasama ang EDSA.
Pero sa totoo lang, ang magandang tanong eh, what’s next? Pagkaraan pa ng sampung taon o sa 2027 pa muling magiging host ng ASEAN Summit ang Pilipinas. Hindi pa natin alam kung kailan muling magiging host ang bansa ng isa pang malaking pagtitipon ng mga world leaders na Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC.
Taong 2015 nang maging host ang bansa ng APEC, at gaya ng katatapos na ASEAN Summit, naging problema rin ang trapik. Bagaman hindi buong EDSA ang naapektuhan ng VIP lanes sa APEC, naapektuhan naman nito ang lipad ng mga commercial plane sa Ninoy Aquino International Airport dahil doon dumating ang mga lider ng mga bansang lumahok sa pulong.
Kaya sa katatapos na ASEAN Summit, sa Clark International Airport sa Pampanga lumapag ang mga eroplanong sinakyan ng mga world leaders kaya hindi naperwisyo ang mga eroplano sa NAIA. Ang epekto naman nito, ang trapik sa kalsada dahil mula EDSA-Caloocan yata hanggang Pasay ang nilagyan ng ASEAN lanes para sa pagbiyahe naman nila mula Clark patungong Maynila.
Nang maging host ang Pilipinas ng APEC Summit sa unang pagkakataon noong 1996, pinili ng noo’y Pangulong Fidel Ramos na gawin ang pagtitipon sa Subic, Zambales. Aba’y nagpagawa pa siya ng 21 villas para tuluyan ng mga dadalong lider ng iba’t ibang bansa. Iyon nga lang, may kasamang kontrobersiya ang naturang proyekto dahil sa malaking gastos sa pagpapagawa ng mga villa.
Bukod sa Subic, ang lalawigan ng Cebu ang isa pang lugar na pinagdausan ng isang malaking pagtitipon na dinaluhan ng mga world leaders noong 2007 para sa ASEAN Summit din. Dahil naging maayos naman ang naturang pagtitipon at nakauwi ng buhay ang mga dumalong lider, kasama na ang Cebu sa mga lugar na pinagdadausan ng mga malalaking event sa bansa.
Pero maliban sa APEC at ASEAN Summit, hindi maiiwasan na magkaroon ng iba pang malalaking pagtitipon o pagbisita sa bansa na maaaring makaapekto sa buhay ng mga Pinoy at trapiko. Gaya na lang nang pumunta sa Pilipinas si Pope Francis noong Enero 2015. Dahil sa inaasahan din ang trapik din, gaya ng nakaraang ASEAN Summit, nagdeklara rin noon ng administrasyong Aquino ang tatlong araw na holiday sa Metro Manila.
Kung hindi mapapabuti ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa mga susunod na taon, dapat mag-isip na ang mga opisyal natin ng plano anong lugar ang maaaring i-develop na pagtatayuan ng mga convention center, mga hotel, o maging airport para mapaghandaan ang susunod na ASEAN o APEC Summit, tulad ng Clark o Subic.
Sa ganitong paraan, hindi maaabala sa buhay at trabaho ng mga tao sa Metro Manila, lalo na iyong mga umaasa sa arawang kita, at higit din na mapapangalagaan kaligtasan ng mga world leaders at delegado.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)