Sarado simula pa nitong unang araw ng Nobyembre ang second at third floor ng Building 1 ng Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ito ay dahil umano sa ginagawang “General Cleaning at Disinfection” sa mga pasilidad na matatagpuan sa nasabing floor.
Ayon kay Dr. Dendem Formadero ng Romblon Provincial Hospital, matatagpuan sa 2nd at 3rd floor ng building 1 ang Pediatric Ward, Intensive care unit (ICU) at ilang private rooms.
Itinanggi naman ni Governor Eduardo Firmalo ang kumalat na issue na ang kakulangan ng nurses sa hospital ang dahilan nang pagsara ng pedia ward.
Sa pamamagitan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ipinaabot ni Governor Firmalo na hindi naman umano ang kakulangan ng nurses ang dahilan ng pagsasara ng mga nasabing pasilidad kundi ang ginagawang paglilinis lang sa mga kwarto.
Ilang pasyente naman ang nagrereklamo matapos na hindi sila ma-admit/confine sa Romblon Provincial Hospital dahil sa pagsasara ng pedia ward at sa halip ay pinapalipat umano sila sa mga Private Hospitals.
Inaasahan namang muling bubuksan ang nasabing floors ng building 1 bago magsimula ang MIMAROPA Festival 2017 sa November 20.