Opisyal nang idineklarang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency ang lalawigan ng Romblon nitong hapon ng Lunes, November 13, 2017.
Ayon kay PDEA Deputy Director for Operation Raul Lasala, nagampanan ng Romblon ang mga kailangan para opisyal na ma-validate at ma-idiklarang drug-cleared ang probinsya.
“at dahil drug cleared na siya, inaasahan natin na yung mga nangyayaring krimen ay baba na masyado,” pahayag ni Deputy Director Lasala.
Ikinatuwa naman ito nina Congressman Emmanuel Madrona, Governor Eduardo Firmalo, at Vice Governor Otik Riano na nasa ceremony sa Romblon State University kanina.
Ayon kay Congressman Madrona, sana ay mapanatili ng Romblon ang pagiging drug-cleared province nito.
“Let us continue to implement Republic Act 9165… I am also encouraging everybody to support the program of our Presidente for the Drug-Cleared Philippines. Yan talaga ang pinakamisyon ng ating Pangulogn Digong Duterte.” pahayag ni Congressma Madrona.
Samantala, pinasalamatan ni Regional Director Wilben Mayor na present rin sa event ang sipag at tiyaga ng mga kapulisan ng Romblon sa pangunguna ni PNP Provincial Director Police Senior Supt. Leo Quevedo, at ng mga hepe ng iba’t ibang Municipal Police Station at mga LGU sa probinsya.
Sa mensahe ni Regional Director Mayor, sinabi niya na isang malaking karangalan na maideklarang drug cleared ang lalawigan ng Romblon kung saan siya nagmula na lalawigan dahil siya ay tubong San Agustin.
Ang Romblon ang ikalawang probinsya sa Pilipinas na idineklara ng PDEA na drug-cleared municipality pagkatapos ng probinsya ng Batanes sa hilagang Luzon.
Sa datus ng Romblon Provincial Police Office, aabot sa 46 drug personalities ang kanilang naaresto sa pag-arangkada ng Oplan Double Barrel at aabot sa 197.5172 grams ng shabu ang kanilang nakumpiska na nagkakahalaga ng P990,000 pesos.
13 sa 46 na naaresto ay mga high value target kung saan isa sa kanila ay Barangay Captain at apat namang Barangay Kagawad.
Bumaba rin ng 33.65% ang total crime volume sa probinsya ng Romblon nitol lamang January-October 2017 kumpara sa January-October nang nakaraang taon.