Handa na ang lalawigan ng Palawan para sa 3rd Mimaropa Festival na gaganapin sa Odiongan, Romblon sa Nobyembre 20-25.
Ayon kay Provincial Chief Tourism Officer Maribel C. Buñi ang delegasyon ng Palawan ay pangungunahan ng Provincial Economic Enterprises Development Office (PEEDO) at ng kanyang tanggapan ang Provincial Tourism Promotions and Development Department.
Ani Buñi, pagtutuunan ng pansin ng lalawigan ang paglahok sa trade and tourism fair kung saan iba’t-ibang produktong lokal mula sa Palawan ang kanilang nais maipakilala dito tulad na lamang ng mga handicraft, ang ipinagmamalaking kasuy ng Palawan at ang mga magagandang destinasyong pangturismo.
Lalahok din aniya sa street dancing competition ang Palawan sa pamamagitan ng mga mananayaw mula sa bayan ng Narra na Champion naman ng Baragatan 2017 Street Dancing Competition. Makikipagpaligsahan din ang Palawan sa float parade at kakatawanin naman nina Louis dela Cruz at Rachel Lee Aniar ang Palawan sa Search for Ginoo at Binibining Mimaropa.
Inatasan na rin ng gobernador ng Palawan ang lahat ng mga miyembro ng sangguniang panlalawigan na dumalo at makiisa sa nasabing festival.
Ang aktibidad ay lalahukan ng limang lalawigan at dalawang lungsod na bumubuo sa rehiyong Mimaropa na kinabibilangan ng Mindoro (Occidental at Oriental), Marinduque, Romblon, Palawan at ang mga lungsod ng Puerto Princesa at Calapan.
Ang Mimaropa Festival na unang isinagawa noong 2015 ay naglalayong maipakilala ang iba’t-ibang pagdiriwang ng rehiyon at maisulong ang mga produktong pang-agrikultura at turismo nito batay na rin sa bisyon ng Mimaropa na makilala bilang “Destination of Choice.” (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)