Sa Isla ng Sibuyan sa Romblon, maraming magagandang lugar at tanawin na maaring puntahan.
Hindi maikakaila na ang mga lugar na ito ay umakit na ng mga turista mula sa iba’t ibang lugar at masasabing ang Sibuyan ay may potensyal na para maging isang sikat na destinasyon ng mga turista dahil sa natatanging taglay nitong ganda.
Ngunit sa dami ng magagandang lugar dito ay tiyak na ang lubos na kukuha at aakit sa atensyon ng mga bibisita ay ang maliit na isla sa Sibuyan na kung tawagin nila Cresta De Gallo na sakop ng bayan ng San Fernando. Sinong mag aakala na sa isang simpleng Isla ng Sibuyan ay may natatago itong mala-paraisong ganda.
Tanyag ang Cresta De Gallo dahil sa kaputian ng buhangin sa baybayin nito.
Minsan na din na naipakita ang nasabing isla sa programang Kapuso Mo Jessica Soho ng GMA Channel 7 kung saan marami ang namangha sa ganda nito at dumami ang naghangad na sana’y makarating sa munting isla.
Paano makakarating ng Cresta De Gallo?
Mula sa baybayan ng San Fernano, kinakailangang sumakay ng motorbanca na pwedeng i-rent sa halagang P2,000 lamang . Magtatagal ng halos dalawang oras ang byahe ngunit sulit naman ito dahil habang nasa byahe ay matatanaw ang buong isla ng Sibuyan at ang napakataas nitong bundok na Mt. Guiting-Guiting.
Bago pa man marating ang isla ng Cresta De Gallo ay matatanaw na ang nakakasilaw na puting buhangin nito gayunding ang napakalinaw na tubig dito na maaaninag ang mga naglalanguyang isda at iba pang uri ng lamang dagat.
Pagkarating mo sa isla, maari nang magtampisaw sa malinaw na tubig at gumulong sa napakaputing buhangin nito, at dahil hindi pa naabot ng modernisasyon ang Cresta De Gallo, walang nakatayong mga cottage dito o kung ano pa mang imprastraktura kaya kinakailangan nakahanda ka ng pagkain at mga gamit bago bumiyahe.
Dahil sa liit ng isla ay kaya mo itong libutin sa loob ng dalawampung minuto lamang. Masisilayan mo rin dito ang magagandang hugis ng malalaking bato na parang maliliit na kweba na napakaganda sa camera. Kung kailangan mo naman ng kausap, may isang pamilya na nakatira sa lugar na pwede mong kausapin o pagtanungan patungkol sa history ng isla.
Ang ganda ng munting isla na ito ay hindi pa naabot ng modernisasyon at umaasa ang mga mamayan ng Sibuyan, gayundin ng probinsya ng Romblon na sana ay mapanatili ang ganda ng lugar na ito kahit sa paglipas ng panahon dahil isa ito sa mabibigay ng pangalan sa isla ng Sibuyan maliban sa Mt. Guiting-Guiting na kilala na sa buong mundo.