Isang lalaki sa Alcantara, Romblon ang naaresto kaninang hapon ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon dahil sa kasong pangagahasa. Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest at sa pakikipagtulungan na rin ng Alcantara Municipal Police Station, Romblon Provincial Public Safety Company, at Provincial Intelligence Branch.
Ayon kay Police Senior Inspector Jomar Penular, Provincial Officer ng PNP-CIDG Romblon, nangyari di umano ang panghahalay noong 2016 at ngayong taon lang nilabasa ng warrant of arrest ng korte.
Kinilala ang suspek na si Elbert Gaytano Galario Jr., 23-taong gulang.
Sinabi rin ni Penular na namataan ng tropa ng pulisya si Galario na sakay ng barko kaninang madaling araw galing Manila pauwi ng Romblon kaya agad nilang inoperate ang suspek.
Paliwanag naman ni Galario sa Romblon News Network, hindi niya umano hinalay ang sinasabi niyang pinsan pa di umano niya, kundi may galit lang umano sakanya ang magulang ng biktima.
Hawak na ngayon ng CIDG-Romblon ang suspek at nakatakdang iharap sa korte sa susunod na araw.