Wagi sa ginanap na MIMAROPA Festival 2017 Bike Marathon ang miyembro ng Boracay Team Cyclist na si Eduardo Dela Cruz III.
Natapos ni Delos Reyes ang ruta ng halos isang oras lamang, kung saan siya ang nanguna sa lahat ng bikers sa lahat ng category.
Ayon kay Delos Reyes, natumba pa siya sa kalagitnaan ng track ngunit nakabangon parin siya at humabol hanggang sa maunahan ang ibang racers.
Gulat na gulat naman ang ilang naunahan ni Delos Reyes dahil nakita pa umano nilang natumba ang nasabing rider ngunit naunahan parin sila.
Melisa Aroda, wagi naman sa Womens Category
Samantala, wagi naman si Melisa Aroda na dumayo pa sa Odiongan galing sa probinsya ng Iloilo para sa nasabing kompetisyon.
Natapos ni Aroda ang race ng 1 oras, 16 minutes, at 58 seconds lamang.
Nasundan si Aroda ng anak ng Bike Marathon King na si Eboy Quiñones na si Nicole Quiñones, habang pangatlo naman si Tabita Mañago.
Team Padyak Alcantara, hakot award naman sa Local Category
Nangibabaw naman ang Team Padyak Alcantara sa local category ng nasabing palaro matapos masungkit ng tatlong miyembro ng nasabing grupo ang 1st, 2nd, at 3rd rank.
Nanguna si Nick Magada sa oras na 1:06:55; na sinundan naman ni Jhenel Galangero sa oras na 1:08:01 at pumangatlo si Joshua Galin sa oras na 1:09:00.
Ayon sa panayam ng Romblon News Network sa mga nanalo, ibayong ensayo, disiplina sa katawan at pagiging pursigido sa pakikidigma sa larangan ng pagbibisikleta ang dahilan ng kanilang pagkapanalo.
Lagi umano sila sumasali sa Monthly Bike Race sa bayan ng Alcantara at ito na ang naging halos training nila para sa nasabing kompetisyon.
Sa kasalukuyan pinaghahandaan na naman ng Team Padyak Alcantara ang mga darating pang mga laban sa pangangalaga ng Alcantara Bikers Association.