Pansamantalang ipinasara ng Office of the Municipal Agriculturist -Romblon ang panghuhuli ng isda sa silangang bahagi ng karagatang sakop ng bayan ng Romblon simula ngayong Nobyembre hanggang sa ika-31 ng Hulyo 2018.
Sinabi ni Edgardo M. Molina, fishery technologist, ang hakbang na ito ng munisipyo ay taunan nilang ipinatutupad upang makapangitlog muna ang mga isda at maiwasang mahuli ang mga maliliit pa.
Ang closed fishing season na ipinaiiral ng LGU Romblon ay alinsunod sa Chapter 4 Section 20 of the Comprehensive Municipal Fishery Ordinance kung saan ang punong bayan ang siyang tutukoy ng lugar na ipasasara sa loob ng siyam na buwan at pagbabawal sa paghuli ng anumang uri ng isda sa ipinasarang pangisdaan partikular sa mga mangingisdang gumagamit ng ring net.
Ayon pa kay Molina tinatayang nasa 120 ektarya ang municipal water na pansamantalang ipinasara ng kanilang tanggapan upang dumami ang populasyon ng isdang galunggong, matang-baka, tulingan, pulang buntot, bantalaan at iba pa.
Ang mga pangulong (small-scale commercial fishing) na lalabag sa naturang ordinansa ay kukumpiskahin ang mga huli at kagamitan, at pagmumultahin ng P2,500 bawat tripulante.
Ang ipinasarang karagatan sa panghuhuli ng isda ay muling bubuksan sa unang araw Agosto ng susunod na taon.