Inilunsad kamakailan ng Philippine Information Agency (PIA) Mimaropa Regional Office ang ASEAN (Association of Southeast East Asian Nations) Information Kiosk sa Admin Building ng Romblon National High School na nakabase sa kabisera ng lalawigan.
Ang matagumpay na paglulunsad ay bahagi ng ASEAN Advocacy Series ng tanggapan na naglalayong maihatid ang mga mahahalagang mensahe ng ASEAN sa mga mag-aaral at mamamayang Romblomanon.
Iba’t ibang impormasyon tungkol sa ASEAN at sa mga bansang kasapi nito ang nilalaman ng information kiosk at mayroon ding mababasang IEC materials na naglalaman ng iba’t ibang programa at kaalaman kung paano nakakatulong ang ASEAN sa bansa.
Sa isang maikling programa ay pinasalamatan ni PIA Mimaropa Officer-in-Charge Victoria A.S. Mendoza, ang pamunuan ng nasabing paaralan sa mainit na pagtanggap sa PIA Mimaropa at ipinakitang suporta sa nasabing aktibidad.
Sa maikling talumpati ni Romblon Vice Mayor Mart Arthur Silverio, malugod niya pinasalamatan ang PIA Mimaropa sa paglulunsad ng Information Kiosk dahil makatutulong sa mga mag-aaral ito upang mabatid ang kahalagahan ng ASEAN sa ekonomiya ng Pilipinas.
Nagpahayag ng pagkatuwa si Nelia Navallasca, Head Teacher sa asignaturang Araling Panlipunan dahil sa mga IEC materials patungkol sa ASEAN na ibinigay ng PIA Mimaropa sa kanila upang magamit sa pagtuturo.
Sa huling bahagi ng paglulunsad ay magkatuwang na isinagawa nina Mendoza at Silverio ang ribbon cutting habang sinasaksihan ito ng ilang mga guro at mga estudyante ng RNHS.