Ginanap nitong Nobyembre 8-10 ang ASEAN (Association of South East Asian Nations) Advocacy campaign sa kabisera ng Romblon.
Unang inilunsad ng PIA-Mimaropa ang ASEAN Information Kiosk sa Romblon National High School Admin Building at kasunod namang isinagawa ang Youth Forum sa RNHS grandstand noong ika-9 ng Nobyembre.
Layunin ng aktibidad na maipaliwanag sa bawat mamamayang Pilipino ang kahalagahan ng ASEAN at maging ang pakinabang ng ating bansa sa iba pang kasapi ng nito.
Sa pamamagitan din adbokasiyang ito ng PIA, mabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan sa bayan ng Romblon hinggil sa magandang ang epekto ng ASEAN sa kanila.
Sinabi ni Rosemarie Manggaring, principal II, Romblon National High School, na malugod niyang tinanggap sa paaralang kaniyang pinamumunuan ang ASEAN Youth Forum dahil malaki ang pakinabang nito sa mga mag-aaral.
Magkakaroon aniya ng linaw sa isipan ng mga estudyante kung ano ang kahalagahan at makabuluhang benepisyo ng ASEAN sa kanila.
Dumalo sa nasabing event si Rennel G. Mayo ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Romblon Field Office kung saan kanyang tinalakay ang magagandang oportunidad sa pagkakaroon ng trabaho hindi lamang sa sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat dahil sa ugnayan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Nagsilbi ring tagapagsalita si Engr. Lynette M. Gatarin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Romblon kung saan kanyang tinalakay ang oportunidad ng pagkakaroon ng mabilis na trabaho kapag nakapagtapos ng kursong bokasyonal o nakapagsanay ng teknikal sa kanilang ahensiya.
Ibinahagi naman ni Philippine Information Agency(PIA) – Mimaropa Officer-in-Charge Victoria S. Mendoza, ang isang presentasyon ng ASEAN na may kaugnayan sa temang One Vision, One Identity, One Community.