Nang dahil kina Joey De Leon at Maine Mendoza, aba’y napag-usapan ng madla ang tahimik na usapin tungkol sa depresyon na itinuturing isang uri ng sakit sa kaisipan o mental health problem na kung minsan ay humantong sa kamatayan.
Sa isang segment kasi ng “Eat Bulaga” noong Huwebes, nabanggit ni Joey na “gawa-gawa” lang ng tao ang depresyon kaya hindi sila dapat suportahan at hayaan lang. Taliwas ang pananaw na iyon ni Joey (nagbida sa tatlong Starzan movie) sa opinyon ni Maine na nagsabing seryosong usapin ang depresyon at maraming kabataan ang nakararanas nito na dapat suportahan.
Dahil sa sinabi ni Joey, naging kontrabida siya sa pananaw ng netizens habang umani ng paghanga si Maine.
Sa sumunod na araw, humingi ng paumanhin si Joey at inamin na mali siya at kulang ang kaalaman niya tungkol sa depresyon na inakala niyang katulad lang ng stress. Dahil sa ginawang pagpapakumbaba ni Joey, nabawi niya ang paghanga ng sinumang nainis sa kaniya.
Pero kung tutuusin, dapat pasalamatan sina Joey at Maine sa ingay na nalikha ng kanilang magkaibang pananaw sa depresyon. Alam ba ninyo na may batas na nagtatakda na gunitain ang “World Mental Health” tuwing ikalawang linggo ng Oktubre.
Nakapaloob ito sa Proclamation 452 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1994. Pinalitan nito ang Proclamation 432 na inilabas ni dating Pangulong Carlos Garcia noong 1954 na nagsasaad na dapat gunitain ang Mental Health Day tuwing ikatlong Linggo ng Enero.
Ang depresyon o matinding kalungkutan ay itinuturing isang uri ng mental health problem na maaaring humantong sa pagpapakamatay. Gaya ni Joey, malamang na marami sa ating mga kababayan ang kulang sa kaalaman tungkol sa depresyon, na inaakalang “stress” lang o matinding pag-aalala kaya sila nalulungkot.
Sa tindi ng problema ng depresyon sa bansa, nagtatag ng hotline ang Department of Health, katuwang ang non-governmental organization para tumanggap ng mga tawag sa mga taong nakararanas ng matinding kalungkutan—ang “HOPELINE Project.”
Batay sa isang datos ng World Health Organization (WHO), mahigit 3 milyong Pinoy daw ang nakararanas ng depresyon. At sa mahigit 3,000 na mga tumawag sa Hopeline noong 2016, mahigit 600 ang nagpahayag daw na nakararanas ng depresyon, halos 500 ang pinaniniwalaang nakararanas ng depresyon, at may halos 500 iba pa ang nagtanong tungkol sa kung depresyon ang kanilang nararamdaman.
Dahil na rin sa modernong teknolohiya ng internet, hinihinala na baka mas dumami ang nakararanas ng depresyon dahil sa social media. Bakit hindi, aba’y kung kinakapos sa buhay at nakikita mo ang ibang kakilala mo na sagana, panay bakasyon at pagkain-kain sa masasarap na restawran, baka mainggit ka, na mauuwi sa lungkot, hanggang maging depresyon.
Ganundin kung wasak ang iyong pamilya at may makikitang post na pamilyang sama-sama, o kaya naman ay nakipag-break sa jowa tapos makikita mo ang ex-bf o ex-gf niya na masayang kasama ang bagong mahal, aba’y posibleng pagmulan din ‘yan ng kalungkutan. Ibang usapan pa kung maging biktima ka ng pambu-bully.
Sinasabi rin na habang papalapit ang Pasko, mas dumadami o tumitindi ang depresyon sa mga Pinoy dahil na rin sa kahirapan ng buhay ng iba, o kaya naman ay mga kababayan natin na sira ang pamilya na naiisip na sana ay buo ang kanilang pamilya.
At sa panahon ngayon na mabilis ang takbo ng buhay, maraming kabataan ang nagmamadaling umasenso, nag-aalala sa kanilang trabaho, at kung hindi nila makamit kaagad sa maigsing panahon ang gusto nila, magmumukmok sa kalungkutan.
Kaya sabi ng mga eksperto, mahalagang alamin kung may kaibigan, kapamilya o kamag-anak ang tahimik na nakararanas ng depresyon para masuportahan sila at mapayuhan bago maging huli ang lahat.
Pero ano ang mabisang lunas sa depresyon? Maging happy lang gaya ni Joey De Leon.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
{googleads center}