Ideneklara ng drug cleared ang mga bayan ng Odiongan at Cajidiocan matapos na makumpleto at pumasa ang mga ito sa mga requirements bilang drug cleared municipalities sa buong lalawigan ng Romblon.
Ito ay matapos na sertipikahan ng mga ahensya ng PDEA, DILG, DOH at ng provincial government na compliance na ang mga naturang bayan.
Ayon kay Mario D Ramos, PDEA Regional Director, dahil sa pagkakadeklarang drug cleared ng dalawang nasambit na bayan, naging drug cleared na rin ang buong lalawigan ng Romblon.
Dahil dito, naging kauna-unahang lalawigan sa buong Mimaropa Region na drug cleared ang lalawigan ng Romblon at pumangalawa naman sa buong Pilipinas.
Matatandaan na nauna ng ideneklarang drug cleared ang lalawigan ng Batanes noong nakaraang buwan.
Ayon pa kay Director Ramos, inaasahan niya na sa lalong madaling panahon ay opisyal ng maideklarang drug cleared ang lalawigan ng Romblon.
Nagpapasalamat naman si Romblon PNP Provincial Director Leo Quevedo sa kasipagan ng mga hepe ng labingpitong (17) bayan sa buong lalawigan ng Romblon na nagsikap at nagtrabaho ng husto para maging drug cleared ang kanilang nasasakupang bayan.
Sa mensahe ni Governor Lolong Firmalo, sinabi nito hindi nagtatapos sa pagiging drug cleared ng isang bayan o ng lalawigan ang trabaho ng kapulisan at ng PDEA kontra droga kundi bagkus ay pagsikapan pang mapigilan ang posibilidad na bumalik ang pagkalat ng droga sa buong lalawigan.
Dagdag pa niya na dapat maging tuloy-tuloy ang pagbabantay ng mga kapulisan sa kanilang nasasakupan at maging people friendly upang mas lalo pang mapalapit ang mga ito sa mga sibilyan nang sa ganun ay masiguro ang kooperasyon ng bawat isa at ng tuluyan ng maiwasan ang paggamit ng droga.
Pinasasalamatan din ni Governor Firmalo ang pamunuan ng kapulisan sa buong lalawigan gayundin ang PDEA at mga barangay at municipal officials na nagtulong-tulong upang makamit ang pagiging drug cleared ng probinsya.
Dagdag pa ni Governor Firmalo na isa umano itong napakagandang regalo sa kanyang kaarawan ngayon darating na Oktubre 28.