{googleads center}
Patuloy ang pagiging normal ng mga operasyon at transaksyon sa Munisipyo ng San Andres nang tumungo ang Romblon News Network nitong nakaraang mga araw sa kabila ng inilabas na desisyon ng Office of the Ombudsman kaugnay sa kasong isinampa kay Mayor Fernald Rovillos at sa lima pa nitong kasama.
Sinabi ni MSWDO Cezar Valiente, isa sa mga kinasuhan sa Ombudsman, hindi pa umano siya makakapagbigay ng statement patungkol sa nasabing isyu sapagkat hindi pa raw nila natatanggap ang kopya ng Order ng Ombudsman patungkol sa nasabing dismissal.
Ayon pa sa kanya, grupo nilang kinakaharap ang naturang kaso at inaantay pa nila ang pagbabalik ng alkalde galing sa travel.
Kasalukuyan umanong nasa travel si Mayor Rovillos ayon kay Vice Mayor Arsenio Gadon na kasalukuyang umuupo bilang OIC Mayor ng bayan.
Sinubukan ring hanapin upang makapanayam ng RNN ang iba pang dawit sa kaso ngunit wala umano sila sa munisipyo nang kami ay dumating.
Nag-ugat ang kasong isinampa nina dating Vice Mayor Rene Mingoa, Dinah Fradejas, Ernesta Alladin at Araceli Gabaldon sa Ombudsman dahil sa maanumalya umanong pagbili sa 10,000 Bitaog Seedlings na nagkakahalaga ng P550,000 na ginamit umano sa tree planting activity noong June 24, 2014.