Pinaaalis sa pwesto ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kasalukuyang alkalde ng bayan ng San Andres, Romblon na si Mayor Fernald Rovillos at lima pa na kasama nito sa munisipyo matapos mapatunayang guilty sa kasong Grave Misconduct.
Ang lima na kasama ni Rovillos ay kinilalang sina Melinda Gaac, Municipal Accountant; Mary Claire Mortel, Municipal Planning and Development Coordinator; Caesar Valiente, Municipal BAC Secretariat; Gay Tan, Vice Chairman ng Municipal BAC; at si Genny Rose Vergara, Municipal Supply Officer.
Samantala, pinawalang sala naman sa kasong Grave Misconduct na kasamang kinasuhan sa grupo ni Rovillos sina Gesihler Fadri ng Provincial Agriculture, at Sangguniang Bayan Member Joel Ibañez dahil sa “insuffiency of evidence”.
Nag-ugat ang kasong isinampa nina dating Vice Mayor Rene Mingoa, Dinah Fradejas, Ernesta Alladin at Araceli Gabaldon sa Ombudsman matapos nilang malaman na hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili sa 10,000 Bitaog Seedlings na nagkakahalaga ng P550,000 na ginamit umano sa tree planting activity noong June 24, 2014.
Inaalam pa ng Romblon News Network ang susunod na hakbang ng grupo ni Mayor Rovillos at kung kailan ibaba ng Department of Interior and Local Government Romblon ang kautusan ng Ombudsman.
Sinusubukang tawagan ng Romblon News Network si Mayor Rovillos ngunit hindi ito sumasagot.
{googleads center}