{googleads center}
Isang Barangay Captain ng bayan ng Cajidiocan, Romblon ang inirereklamo matapos umanong mawala sa bahay nito ang mga alahas na ipinatago muna sakanya.
Sa programang Wanted Sa Radyo ng Radyo Singko/TV5 lumapit sina Norma Rojas at Laura Mauthen nitong October 11 para isumbong ang kanilang problema sa kanilang barangay.
Sa kwento ni Norma, sinabi nito na noong nagpapagamot umano sila sa Manila ay ninakawan umano ang bahay ng kanyang amo na si Laura at ilang pera, cellphone at alahas ang tinangay ng akyat bahay ngunit noong mahuli ang suspek, narekober umano ang cellphone at ang alahas ni Laura.
Pero dahil nasa Manila ang mag-amo, pinagkatiwalaan nila si Barangay Chairman Octaviano Ramirez na siya muna ang mangalaga sa mga narekober na cellphone at alahas ngunit ang problema ng mag-amo ay nawala umano sa bahay ng chairman ang mga alahas at tanging cellphone lamang ang naisauli sakanya.
Paliwanag naman ni Ramirez kay Raffy Tulfo, program host ng Wanted Sa Radyo, hindi niya umano ninakaw o sinangla ang mga alahas at nawala lang umano ito sa cabinet sa loob ng kanyang kwarto noong bumalik siya galing Manila. Sinabi ng Chairman na hindi niya umano kilala ang nagnakaw ng mga alahas pero inamin niya na may mga kamag-anak siyang lalaki na pumapasok sa kanyang bahay para mag-inuman noong nasa Manila siya.
Lumapit na sa Cajidiocan Municipal Police Station at sa DILG-Cajidiocan si Laura Mauthen para ireklamo ng kasong kriminal at administratibo ang Barangay Captain.