Kabuuang 529 mag-aaral sa elementarya ang nabigyan ng libreng school bags at mga sapatos sa tatlong island barangay sa bayan ng Romblon.
Ang pamamahagi ng mga kagamitang pang-eskwela ay pinangunahan ni Dr. George P. Tizon ng Department of Education- Partnership of Employees and Non-Teaching Staff (DepEd-PENS).
Sinabi ni Dr. Tizon na tinawag nilang “Opensa Kontra Kakulangan sa Edukasyon” (OKKE) ang programang ito ng kanilang grupo na naglalayong makapaghatid ng tulong sa mga malalayong paaralan sa iba’t ibang sulok ng bansa at mahikayat ang mga bata na pagbutihin pa ang pag-aaral bilang kondisyon sa kanilang kaloob na gamit pang-eskwela.
Ayon naman kay Schools Division Superintendent Roger F. Capa, ang mga gamit pang-eskwela ay maagang pamasko ng naturang NGO sa mga mag-aaral (Kinder to Grade 6) sa pampublikong paaralan ng Alad Lamao Elementary School, Alad Recudo Elementary School, Logbon Elementary School at Cobrador Elementary School.
Ikinatuwa ito ng mga batang mag-aaral at labis na nagpapasalamat ang mga magulang ng mga-aaral sa naturang mga barangay sa mga kagamitang iniregalo ng grupo na magagamit ng mga bata sa pagpasok sa kanilang paaralan araw-araw.
Ang pamamahagi kamakailan ng school bags at sapatos ay sinaksihan nina Romblon Mayor Mariano M. Mateo, DepEd-PENS Mimaropa President Johpre R. Galindez, mga guro at mga opisyal ng tatlong island barangay.
Nangako rin ang DepEd-PENS na muli silang babalik sa Romblon sa susunod na taon upang mamahagi rin ng gamit pang-eskwela sa mga mag-aaral ng Alad Talisayan Elementary School.
{googleads center}