Mukhang nagiging exciting ang henerasyon ngayon ng mga kabataan na tinatawag na “millennials.” Maliban kasi na sa kanilang henerasyon naglalabasan ang mga modernong teknolohiya, aba’y muli ring napag-uusapan ang posibilidad ng pagkakaroon ng martial law sa buong bansa.
Sa ngayon, tiyak na ang mga tinatawag na “titos” at “titas” ang higit na interesado kapag napag-uusapan ang martial law na idineklara ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos noong September 21, 1972.
At dahil malapit na naman ang anibersaryo nito, malamang na marami na naman ang mangangaral sa mga kabataan ngayon na alamin at huwag kalimutan ang mga nangyari noon.
Ano nga ba ang nangyari noong panahon na umiiral ang batas militar? May mga nagsasabi na nakatulong naman talaga ang martial law para magkaroon ng law and order sa bansa. Kaya daw naging maayos ang seguridad at marami ang naipagawang proyekto na kailangan sa pag-asenso ng mga Pinoy.
Pero hirit naman ng iba, ang martial law ang isa sa mga pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. Sinikil ang kalayaan, marami ang ipinakulong, marami ang pinatay, marami ang nawala, bumagsak ang ekonomiya at nagpasasa sa yaman ang mga nasa kapangyarihan.
Aba’y sinasabing dahil sa martial law kaya tumagal sa kapangyarihan ng 20 taon si Marcos, ang pinakamatagal na naging pangulo ng bansa.
Isa mga nakulong at nagdusa sa martial law ang ama ni dating Pangulong Noynoy Aquino III na si dating Senador Ninoy. September 13, o mahigit lang isang linggo bago ideklara ang martial law, nagtalumpati pa sa Senado si Ninoy para isiwalat ang “Oplan Sagittarius” na naglalaman umano ng plano ng gobyernong Marcos para sa gagawing deklarasyon ng batas militar.
Kasama sa plano ang pagsasagawa ng pagpapasabog sa Metro Manila para palabasin na mayroong kaguluhan at banta sa seguridad na gagamiting basehan ng martial law.
At noong Sept 21, 1972, nagawa pa muli ni Ninoy na makapagtalumpati sa Senado kaugnay sa banta sa demokrasya ng martial law, na siyang naging huli niyang talumpati bilang senador dahil inaresto na siya pagkaraan nito.
Kasama ni Ninoy sa mga unang inaresto ang iba pang pulitiko na umano’y kritiko ni Marcos, dinakip din ang ilang mga respetadong mamamahayag.
Pero bago pa pala pormal na ianunsyo ni Marcos noong Sept. 23, 1972 sa telebisyon na isinasailalim niya sa batas militar ang buong bansa, may mga tala rin na ilang ulit na niyang nabanggit sa mga talumpati ang posibilidad na pagdedeklara ng martial law.
Sa ngayon, hindi natin tiyak kung ano ang sintemyento ng millennials tungkol sa mga pangamba na baka muling magkaroon ng batas militar sa buong bansa. Pero huwag nating kalimutan na na umiiral ngayon ang batas militar sa Mindanao dahil umano sa banta ng terorismo.
At sa harap ng mga nangyayari ngayon kaugnay ng usapin ng kriminalidad, droga, terorismo, seguridad at ingay sa pulitika na left and right, maiging maging handa ang mga kabataan ngayon at bigyan nila ang sarili ng kaalaman tungkol sa buti at samang idudulot ng martial law.
Kung nagkaroon ng tinatawag na “martial law” babies noon, baka magkaroon ng mga tinatawag na “martiallennials” ngayon. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)