Maaring maharap sa kaso ang tatlong opisyales ng barkong M/V Maria Matilde dahil kinasangkutan nitong aksidente nitong Martes ng umaga sa dagat na sakop ng Calatrava, Romblon.
Ang barkong M/V Maria Matilde ay sumalpok sa isang bangin na nasa bahagi Calatrava, Romblon kung saan may 87 na pasahero ang nasugatan matapos tumilapon at may 4 na sasakyan na sakay ng barko ang nasira.
Ayon kay Police Senior Inspector Gemmie Mallen, OIC ng Romblon Municipal Police Station may mga pasahero nang lumapit sa kanilang opisina para magbigay ng mga salaysay kaugnay sa kinasangkutang aksidente ng kanilang sinasakyan.
Sinabi ni Mallen na maaring maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Physical Injuries and Multiple Damage to Property ang tatlong opisyal ng barko na kinilalang sina Bernardino Canapit, Boat Captain; Dennis Gregorio, 2nd Officer ng Barko; at si John Martin Fernandez, Quarter Master ng barko.
Ayon sa mga opisyal ng barko, nagkaroon umano ng problema ang barko at hindi na ma-kontrol ito hanggang sa tumama sa bangin. Sinabi rin ng mga ito na malakas ang ulan noong oras na yun at nag-zero visibility kaya hindi nila makita ang daanan.
Ngunit iba ang version ng mga pasahero ng barko, ayon sa kanila, walang ulan ng oras na iyon at maayos rin ang alon ng dagat. Wala rin umanong distress call bago sumalpok ang barko sa bangin na nagpapahiwatig na nasa maayos na lagay ang barko.
Sa ngayon, naka-hold muna ang barkong M/V Maria Matilde sa Romblon Port at hindi makakabiyahe hangga’t walang clearance galing sa Coast Guard o sa Marina.
{googleads center}