Malamang na marami sa mga nakapanood ng privilege speech ni Senador Ping Lacson sa Senado noong Miyerkules ang napakunot-noo nang isiwalat niya kung gaano kalala ang problema sa katiwalian sa Bureau of Customs.
Aba’y kung totoo ang mga isiniwalat ni Lacson, lalabas na malaking kaipokrituhan pala ang palabas ni dating BOC chief Nicanor Faeldon na naglagay ng sangkaterbang CCTV camera sa mga opisina ng ahensiya para daw masupil ang lagayan.
Hindi ba’t napabalita pa nga sa mga telebisyon na ilang tauhan ng BOC ang sinabing inimbestigahan dahil nakita sa CCTV na tumatanggap daw ng “padulas” sa mga naglalakad ng papeles. Iyon pala, barya kung tutuusin ang nakukuha ng mga maliliit na tauhan ng ahensiya kumpara sa kanilang opisyal.
Sabi kasi ni senator Lacson sa kaniyang talumpati, aba’y sa “pasalubong” pa lang daw kay Faeldon nang maupo ito sa puwesto bilang hepe ng BOC noong nakaraang taon, tumatanginting na P100 milyon na raw ang ibinigay sa opisyal.
May bahagi raw ng naturang pera ang napunta sa middle man na isang Joel Teves bilang “finder’s fee.” Kung may pasalubong, mayroon din kayang “pabaon” nang maalis na si Faeldon sa puwesto?
But wait there’s more! Bukod sa pasalubong, buhay na buhay pa rin daw ang “tara,” o lagayan sa BOC para sa bawat container na pumapasok sa aduana para hindi na masyadong higpitan ang paglabas sa pantalan. Aba’y, libu-libong container ang pinag-uusapan dito.
Sabi nga natin, kung totoo ang mga isiniwalat ni Lacson, aba’y wala nang matitirang opisyal sa BOC dahil halos lahat yata ay lumalabas na nakasawsaw sa “tara.” At kung totoo ito, hindi na nakapagtataka kung may nakalulusot na droga na galing sa ibang bansa– partikular sa China– ay kumakalat dito sa atin sa Pilipinas.
Gaya ng inaasahan, itinanggi ni Faeldon ang mga paratang laban sa kaniya, gayundin ang iba pang opisyal na pinangalanan ni Lacson. Pero tandaan na kilala si Lacson sa mga pagsisiwalat nito na puro balido.
Buwelta pa si Faeldon na sangkot daw ang anak ni senator Ping na si Pampi sa smuggling at natuklasan daw nila ito noong bago pa lang sila sa puwesto. Ang tanong malaman ng ating kurimaw, ano ang ginawa niya at bakit ngayon lang siya nagsalita kung kailan na ibinunyag laban sa kaniya ang senador?
At kung totoo ang alegasyon ni Faeldon, hindi ba dapat nanahimik lang si Lacson kung talagang alam niya na sangkot sa kalokohan sa smuggling ang anak? Parang malabo, o too late the hero ang hirit ng opisyal.
Ang malinaw, dapat magkaroon ng seryosong reorganisasyon sa ahensiya dahil lumalabas na napakalalim na talaga ng pagkakabaon ng “tara” sa aduana. Kaya pala daan-daang container ang nakalalabas dito nang hindi nalalaman, at may mga nawawalang kargamento na parang bula.
Kung “caTARAta” ang nagpapalabo ng mata ng mga matatanda na nauuwi sa pagkabulag, may mga taga-BOC, may “tara” naman na nakasisilaw ng mata kaya wala na rin silang makita? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
{googleads center}