Ipinag-utos ni Romblon Governor Eduardo Firmalo ang pansamantalang pagpapatigil sa pag-import ng mga poultry products galing sa mga probinsya sa Luzon patungo sa lahat ng isla sa lalawigan ng Romblon kasunod ng outbreak ng Avian Influenza o Bird Flu sa probinsya ng Pampanga.
Sa ibinabang executive order ng Office of the Governor nitong August 16, sinabing ang executive order ay alinsunod sa Memorandum Circular na nilabas rin ng Department of Agriculture kaugnay parin sa pag import ng poultry meat, day old chicks, eggs, semen at manure galing Luzon patungong Visayas at Mindanao.
Para rin umano mapigilan agad ang pagpasok at maaring pagkalat ng nasabing sakit sa lalawigan ng Romblon.
Sinabi rin sa executive order na pwedeng payagan ang pagpasok ng mga nasabing poultry products ngunit dapat galing ito sa labas ng 7km radius controlled area ng Pampanga at dapat may kasamang Shipping Permit at Veterinary Health Certificate na nagpapatunay na walang Avian Influenza ang farm na pinanggalingan nito sa loob ng 21 days bago ibiyahe.
Inutusan rin ni Governor Firmalo ang lahat ng veterinarian, meat inspectors sa mga munisipyo, at mga barangay captains sa probinsya na striktong i-implement ang nasabing executive order.
Ang nasabing ban ay magtatagal hanggang wala ng report ng bagong Avian Influenza o Bird Flu case sa ibang probinsya sa Luzon.
{googleads center}