Paalala ng Office of Civil Defense – Mimaropa (OCD-Mimaropa) sa mga local disaster risk and management councils (LDRRMCs) sa rehiyon, manmanan ang epekto ng habagat sa kanilang mga nasasakupan upang makaiwas sa pinsala.
Lalong-lalosa mga dalisdis o kaya sa mga mababang lugar kung saan may naninirahang mga kababayan.
Batay sa ipinalabas na General Flood Advisory (No. 3) kaninang ika-7 ng gabi, maaring makaranas nang mahina hanggang katamtamang pag-ulan at ng pagkulog-pagkidlat ang rehiyon.
Maaring maapektuhan ng mga pag-ulan dulot ng habagat ang mga ilog at ng mga sangay ng mga ito.
Una rito, nagbabala ang Pagasa-DOST hinggil sa madalas na pag-ulan na mararanas ng rehiyon dala na rin ng habagat.
Ngayong maghapon, nasuspinde ng klase ang ilang bayan sa Occidental Mindoro.
Sa Mamburao, suspindido ang lahat ng klase sa lahat ng antas.
Sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school at elementarya sa bayan ng Sablayan at gayundin ang mga klase sa pre-school, elementarya at maging sa hayskul doon sa bayan ng Looc.
{googleads center}
Tulad sa bayan ng Looc sa Occidental Mindoro, sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school, elementarya at hayskul sa bayan ng Busuanga, Palawan.
Katulong ng OCD-Mimaropa ang Department of the Interior and Local Government sa mga pagpapakalat ng mga paalala sa mga lokal na pamahalaan.
Nakaantabay rin ang iba pang mga ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development – Mimaropa na mayroong mahigit sa 34,000 family food na nakaposisyon na mga lalawigan at sa mga liblib na lugar.
Pinaghanda naman ng Department of Health-Mimaropa ang mga ospital at iba pang mga pasilidad para magserbisyo ng mga pasyente kung sakaling kakailanganin. (Lyndon Plantilla, PIA-MIMAROPA)