Unfair at unjustifiable umano ang presyo ng mga isdang ibinibenta sa merkado ng Odiongan, Romblon ayon sa isa sa konsehal ng bayan ng Odiongan.
Ayon kay Sangguniang Bayan Member Rollie Lachica, Chairman ng Committee on Tourism, Trade and Industry, kinakailangan na umanong lagyan ng price ceiling ang presyo ng mga isda sa Odiongan dahil masyadong mahal na umano ang ibang mga isda.
Batay sa price monitoring ng Romblon News Network ngayong araw, August 09, umabot ng P260 ang kilo ng bisogo na noon ay nasa P150 lang.
Ang presyo ng bangus naman ay P170/kl, Tilapia ay P150/kl, Salmon ay P230/kl, Tambilawan ay P160/kl, Mamsa ay P240/kl kung hiwa at P2100/kl kung buo, Goliasan ay P70/kl, at Matambaka P140/kl.
Habang ang presyo naman ng Manok ay P150/kl, ang baboy naman ay P150-P195/kl, habang P220/kl naman ang baka.
Ayon pa kay Lachica, noong 2009 ay nagpasa ng resolusyon ang bayan ng Odiongan para lagyan ng price ceiling ang presyo ng mga isda ngunit hindi ito pumasa sa Sangguniang Panlalawigan dahil umano ang mga isda ay nature ang nagpapalaki kaya dapat ang masundo rito ay ang Law of Supply and Demand.
Ngunit tinatanong ni Lachica kung bakit umano ang bayan ng Romblon, Romblon ay pinayagang magpatupad ng price ceiling noong 2012.
“Ilalaban natin ito para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Lachica.
Ayon naman kay Elmor Hernandez, President ng Fish Vendor Association sa Odiongan, mahal talaga umano ang isda lalo na kung matumal ang huli. Dagdag pa niya, baka wala na umanong magbenta ng isda sa Odiongan kung magkaroon ng price ceiling.
“Paano naman kasi, bawal sa Odiongan ang salap at pangulong (uri ng pangingisda) kaya kailangan pa naming mag import galing sa ibang bayan at probinsya,” hinaing ni Hernandez.
Ayon naman kay Liony Solis, fish vendor sa Odiongan, marami kasi umanong dinadaanan ang mga isda bago makarating ng Odiongan Public Market kaya umano nagpapatong-patong na ang presyo.
Halimbawa nalang umano ang Galongong, P110 lang ang benta ng mangingisda ngunit may magpapakyaw na ibebenta naman ng P120, tapos ibibigay sa kanila at kanilang papatungan ng P10-P15 na kanilang kita. Isa rin umanong halimbawa rito ay ang Bisogo, binibili umano nila ito sa market price ng Looc, Romblon at bibilhan ng taga-pakyaw o middleman saka ibabagay sa kanila at papatungan ng P10-P15.
Itinanggi naman ni OIC Market Administrator Martin Lasagta III na ang pagpapatigil sa Pangulong at Pagsasalap ang dahilan kung bakit mahal ang presyo ng isda.
“Yan pa nga ang dahilan kung bakit may mga nahuhuling isda ang mga small fisherfolks natin, kasi kung pangulong ay papayagan jan, lahat ng isda mahuhuli wala ng matitira para sa mga maliliit na mangingisda,” pahayag ni Lasaga.
Dagdag ni Lasaga, may mga hakbang na ginagawa ng Municipal Government para kahit kunti ay mabawasan ang presyo ng mga isda katulad nalang ng pagtatayo ng Fish Port sa Barangay Batiano at planong pag-gawa ng fishpond para sa bangus at tilapia.
Plano namang pulungin ng Committee on Tourism, Trade and Industry ang mga fish vendors bukas, August 10, para pag-usapan ang maaring paglalagay ng price ceiling sa mga presyo ng isda sa Odiongan.
{googleads center}