Sa kabila ng libu-libong namamatay sa kampanya kontra-droga ng administrasyon, ilang kritiko ng “war on drugs” ang tila nagtataka at dismayado kung bakit parang wala raw masyadong pagpalag ang publiko sa nangyayaring mga patayan sa mga taong sinasabing sangkot sa iligal na droga.
Isang taon mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte, iba’t ibang numero na ang naglalabasan sa kung ilan na nga ba ang namatay sa operasyon ng pulisya, namatay sa kamay ng mga maskarado, namatay dahil niresbakan o pinatahimik ng sindikato, at iyong mga kawawang nadamay lang.
Pero anuman ang tunay na bilang, ang hindi maikakaila ay talagang libu-libo na ang namatay, at libu-libo na rin ang mga anak na naulila at drum-drum na luha na ang pumatak. Pero ang tanong nga uli ng ilang kritiko: bakit tila walang malakas na pagbatikos o malakihang protesta para kondenahin ang nangyayari?
Hindi natin alam ang tumpak na sagot sa tanong na ‘yan, pero malamang eh hindi tamang isipin na baka kaya walang paki ang marami sa nangyayaring patayan ay dahil mahihirap lang naman ang mga napapatay.
Dahil kung ang mga naging biktima ng karahasan o krimen na gawa ng mga salarin na lango sa droga ang tatanungin, tiyak na ang isasagot nila eh…ubusin ang mga salot na drug lord, tulak, at baka isama pa nila pati na ang mga adik.
Linawin lang natin, hindi natin inaayunan ang “extra-judicial killings” at ang mga sadyang pagpatay sa mga drug suspect, sa halip ay tatalakayin lang natin ang tanong kung bakit tila nga walang malakihang rally sa kalye o sa EDSA o sa Mediola, para ipanawagan na itigil na ng gobyerno ang sinasabing “EJK” sa war on drugs.
Hindi kaya dahil puno na rin ang mga tao sa mga krimeng nangyayari at kadalasang naka-droga ang mga salarin?
Gaya na lang ng nangyari sa Bulacan noong nakaraang linggo kung saan halos buong pamilya ang naubos sa masaker, at tanging padre de pamilya na lang naiwan. Pag-amin ng suspek na sumaksak sa limang biktima—3 bata, isang ina, at isang lolang bulag— lango siya sa alak at droga nang gawin ang karumal-dumal na krimen.
At kahit nagnegatibo ang suspek sa droga, sinasabi ng pulisya na maaari itong mangyari sa isang drug user batay sa ilang kadahilanan gaya ng kaunting nagamit na droga, mahinang uri ng droga, malakas na metabolismo, pawisin at iba pa. Aba’y wala naman sigurong matinong tao na masisikmurang burdahin ng saksak ang walang kalaban-labang mga biktima.
Kung pagbabatayan ang ginawa niyang pag-amin, talagang sagad sa kawalanghiyaan ang salarin (o mga salarin dahil patuloy pa ang imbestigasyon). Aba’y man lang nila hinayaang mabuhay ang mga bata, o kahit man lang sana yung isang-taong-gulang na bata, na limang ulit pang sinaksak.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring krimen na lumitaw na sabog sa droga ang salarin. May mga batang ginagahasa at pinapatay, matatandang pinagnanakawan at pinapatay, mga estudyanteng hinoholdap at pinapatay para may pagbili ng droga.
Bagaman may mga nagsasabing dapat bigyan ng pagkakataon ang mga sangkot sa droga na mabuhay at magbago, tiyak na may magbabalik din ng katwiran na— binigyan ba ng mga kriminal na pagkakataon na mabuhay ang kanilang mga biktima? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)