Tulad ng mga napapanood nating drama at crime series sa telebisyon, parang nagkaroon ng “twist” o pihit sa istorya, o sa takbo ng imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya sa San Jose del Monte, Bulacan.
Matapos kasing pumasok na rin sa eksena ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation, aba’y biglang inihayag naman ng pulisya na isasama na rin nila sa imbestigasyon si Dexter Carlos Sr., ang padre de pamilya ng mga biktima.
Pero ang tanong siguro ng mga kuminaw sa labasan—bakit ngayon lang? Kasi naman mahigit dalawang linggo na mula nang mangyari ang krimen na pumatay sa isang ina, tatlong batang anak, at lolang bulag.
Bukod doon, aba’y tatlong “person of interest,” o iyong mga naimbitahan ng pulisya para tanungin sa kaso pero hindi itinuturing suspek ang sunod-sunod na pinatay.
At ang tanging suspek na buhay [pa sa ngayon] ay itong si Carmelo Ibanes, alyas Miling, na unang inaresto at umamin na siya ang pumatay sa mga biktima. Ginahasa pa raw niya ang dalawang biktima, at nagsabing bangag siya sa alak at droga.
At gaya pa rin ng mga napapanood natin, pagkaraan ng ilang araw ay biglang binawi ni Miling ang mga pahayag niya at sinabing inosente siya, at pinahirapan lang ng mga pulis kaya inako ang krimen.
Ang matindi, may dagdag pang palaisipan at pampabitin sa takbo ng imbestigasyon dahil sa resulta ng pagsusuri na negative sa droga si Miling. Lumilitaw din na walang indikasyon ng panghahalay sa dalawang biktima.
Ngayon naman, si Carlos ang sentro ng istorya dahil sa balak ng pulisya na isailalim siya sa lie detector test. Pero para saan? Para daw alamin kung nagsasabi ito ng katotohanan sa lugar na kaniyang pinuntahan nang araw na paslangin ang kaniyang mag-anak. Ngunit puna nga ilan, bakit ngayon lang at hindi sa unang araw pa lang ng imbestigasyon lalo pa’t siya ang nakadiskubre sa krimen.
Kaya tuloy puna rin ng anti-crime group na VACC, sablay ang pag-imbestiga ng pulisya sa kaso. Kung matatandaan natin, kaagad na idineklara ng pulisya na lutas na ang krimen nang umamin si Miling na mag-isa niyang ginawa ang lahat.
Pero sa sumunod na pahayag niya, sinabi niya na isa lang sa limang biktima ang sinaksak niya, ‘di niya ginahasa ang dalawang biktima, at nagturo pa ng dalawang kasama sa pumasok daw sa bahay ng mga mag-anak. At iyon na nga, sa sumunod uli niyang pahayag, aba’y inosente na siya.
Sa US, hindi lang sa testimonya ng mga saksi at suspek umaasa ang mga imbestigador kung hindi sa mga ebidensiyang nakakalap sa crime scene at resulta ng laboratory test. At kadalasan, hindi sila basta-basta nagbibigay ng pahayag sa media hanggat hindi pa sigurado sa resulta ng imbestigasyon.
Nabawi ang patalim na ginamit sa krimen at ilan ba talaga ang patalim at ilan ang salarin?
Nangangamba tuloy ang iba na baka matulad ang Bulacan massacre case sa sinapit ng Vizconde massacre case, na kinamatayan na ng naulilang padre de pamilya na si Mang Lauro ang kaso nang hindi man lang nagkaroon ng closure dahil pinawalang-sala ng korte ang mga nakulong na akusado.
Pero ‘wag mag-alala ang mga tumututok dito at umaasang mabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng Bulacan massacre case dahil wala pa namang inilalabas na finding ng kanilang imbestigasyon ang NBI, at may hinihintay pang DNA at lab test.
At gaya ng sinasabi sa mga teleserye… abangan ang susunod na kabanata. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)