Marami ang tiyak na susuporta at mayroon ding malamang na aangal sa nilagdaang Executive Order ni Pangulong Duterte na limitahan ang paggamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon sa buong bansa. Ang magiging tanong na lamang ngayon—maipatupad kaya?
Ang mga may ashma, at mga hindi nagpapaputok kapag sumasalubong sa bagong taon ang tiyak na unang pumalakpak nang maibalitang nilagdaan na ni Duterte ang EO 28, na nag-aatas na limitahan sa piling lugar ang paggamit ng mga paputok at pailaw.
Kung may pumalakpak, tiyak na may nagtaas din ng kilay sa naturang kautusan gaya ng mga nagtitinda ng mga paputok at nakikinabang sa paggawa ng paputok at mga pailaw dahil tiyak na mababawasan ang kanilang kita.
Siguradong sasama rin ang loob ng mga istambay na kurimaw na naglalasing kapag sumasalabong sa bagong taon at nagsisindi ng paputok na para bang wala nang bukas.
Sa ilalim ng EO 28, inaatasan ang Philippines National Police, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources, Bureau of Fire Protection, na bumuo ng mga regulasyon kung papaano maipatutupad ang naturang direktiba ng pangulo.
Bukod sa kung papaano maisasagawa ang direktiba sa EO na “community fireworks display” na lamang magkakaroon ng mga putukan at pailaw, dapat din abangan kung ano ang magiging parusa sa mga lalabag kapag nagawa na ang implementing rules and regulations o IRR nito.
Hindi naman kataka-taka kung isa ito sa isinulong ni Duterte dahil sa kaniyang lungsod na Davao City, matagal nang bawal ang paputok.
Kung hindi lang sana pasaway ang marami nating kababayan, puwede sana ang putukan at pailaw kahit saan. Kaya lang, dahil may mga paputok na gawa sa teka-teka, at may mga pabaya at senglot na gumagamit nito, marami ang nadidisgrasya.
Bukod sa marami ang nasusugatan at natatapyasan ng daliri sa kamay, mayroon ding mga namamatay. Bukod pa diyan ang mga sunog na nililikha ng mga paputok, lalo na ang mga “pailaw” na pumapasok sa mga bahay at bumabagsak sa bubungan.
Hindi na rin mabilang kung ilang pagawaan o tindahan ng paputok ang sumabog na nagresulta ng pagkamatay ng mga manggagawa nila, at may mga nadadamay pang inosente.
Pero maliban sa mga paputok na firecrackers, dapat ding paigtingin ng pamahalaan, lalo na ng pulisya ang kampanya sa pagpapaputok ng baril sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon. Bagaman nababawasan ang mga biktima ng paputok dahil nababawasan ang gumagamit nito, hindi naman nagbabago ang datos sa mga nagiging biktima ng ligaw na bala.
Bagaman korni kung tutuusin ang limitahan ang paggamit ng paputok, dapat isipin na lang na kapakanan at kaligtasan ng mga tao ang ikununsidera dito. Kung hindi mo pa rin mapigil ang sarili na hindi magpaputok, buweno, huwag ka na lang maligo, huwag magpalit ng damit, at magpapawis nang husto hanggang sa mangamoy ang kilikili mo hanggang sa sumapit ang bagong taon. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)