Lagi na lang ang mga Pinoy sa tuwing may laban o kompetisyon, kapag natalo laging may idadahilan, kung hindi nadaya e, bias ang mga hurado. Sisiraan ang kalaban pati na ang organizer ng paligsahan. Nangyayari ito mula sa pinaka maliit na turnamento hanggang sa pinakamalaking kompetisyon o laban, sports man ito, pulitika, quiz bee, at iba pa.
Ang ibig bang sabihin nito, ang mga Pinoy ay hindi marunong tumanggap ng pagkatalo?
Nitong nakaraang Pacquiao vs. Horn lamang, matapos matalo ang pambansang kamao, aba naman nagsilabasan ang mga hugot ng mga kababayan na kesyo dinaya ang desisyon ng mga hurado. Ang iba pa nga e, umabot sa pambu-bully sa asawa ng bagong kampyon – Horn. Samantalang ang iba naman, halos isinumpa na ang larong boxing dahil anila, ito’y ‘pera-pera’ na lang.
Bakit naman ganun mga kabayan? Bakit naman kailangan pang mam-bully?
Personally, sa ikatlong round pa lang ay hinulaan ko ng matatalo si Pacman. Tinaya ko pa nga na sa ika-11th round ay mana-knock-out sya ni Horn. Ganun pa man, sinabi ko rin matapos ang laban na, bagama’t talunan si Pacman, sya pa rin para sa akin at iba pang mga Pinoy ang itinuturing na kampeon at pambansang kamao.
Mag move-on na tayo. Maaaring may punto ang iba sa pagsasabi na ‘pera-pera’ lang ang boxing, na umano napakadumi nito. E kung ganun naman pala ang paniniwala mo, pero tuloy-tuloy ka pa rin sa panonood ng boxing. Sobrang excited ka rin kung may nakatakdang laban ang mga popular na boksingero. E, kung ganun, niloloko mo lang din ang sarili mo.
Hanggang sa ngayon, marami na ang mga post-bout issues. Tulad na lamang ng pinakahuling ulat tungkol sa gagawing pag re-score ng WBO pero hindi naman diumano nito mababago ang naging desisyon ng mga hurado sa laban. So para saan pa po ito? Sasabayan at sasakyan din natin lahat ng mga isyu na’to.
Kung malakas ang pakiramdam mo, itong mga post-bout issues na’to ay preparasyon lamang para sa ikinakasang rematch ng dalawa. Maaaring tama ka, pera-pera nga lang ito, parang showbiz din, gagawa ng intriga tungkol sa pelikula, para kung ipalabas na aba naman ay dinumog nga ng mga manonood.
Sige pa kabayan, sakyan mo pa ang mga isyu na yan. The more you talk about it, the more you are promoting the what you call ‘pera-pera’ lang na mundo ng boksing. Try nyo kaya ‘wag pag-usapan yan, dedmahin na lang ng tuluyan kung ang claim nyo naman pala e, pera-pera lang yan. Pero panatiko ka rin.
Manahimik na lang, ‘wag na mambully o magpakita ng ugali na ‘hindi marunong tumanggap ng pagkatalo’. Abangan nyo na lang ang rematch. 🙂