Ang Romblon Police Provincial Office ay tumanggap ng parangal ng pagkilala mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Mimaropa dahil sa maigting nitong kampanya laban sa iligal na droga.
Ang plaque of recognition ay iginawad ng PDEA-Mimaropa sa pamunuan ng Romblon PPO dahil sa kasalukuyan ay ang lalawigan ng Romblon ang may pinakamarami nang naideklarang “drug cleared municipalities” sa buong rehiyon.
Magugunitang anim na bayan na sa lalawigan ng Romblon ang ideklarang “drug cleared” ng PDEA dahil sa nakasunod ang mga ito sa mga rekisitos na kinakailangan at nakapasa sa masusing ebalwasyon ng Regional Oversight Committee on Anti-Illegal Drugs.
Kabilang sa mga “drug cleared municipalities” sa lalawigan ay ang bayan ng Calatrava, Banton, Corcuera, Concepcion, San Andres at Santa Maria.
Ayon kay Deputy Provincial Director for Administration PSupt. Racquel Martinez, nakapagpapataas ng moral sa hanay ng pulisya ang ganitong uri ng pagkilala at nagbigay ito na katiyakan na hindi sila titigil sa pagmo-monitor sa mga dati nang na-TokHang o mga drug surrenderers para tuluyan na itong magbago at umiwas sa paggamit muli ng ipinababawal na gamot.
Sisikapin din aniya ng pamunuan ng Romblon PPO na madagdagan pa ang bilang ng mga munisipyong “drug cleared” na upang makamit ang kanilang minimithing maideklarang “drug cleared province” ang Romblon.