Sama-samang nag-duck, cover and hold muli ang mga estudyante, guro at kawani ng Romblon National High School ng sa isinagawang school-based earthquake drill kahapon.
Sa pakikipagtulungan ng Municipal Disaster Risk-Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Prevention (BFP) at Romblon Police Provincial Office ay matagumpay na naisagawa ng mga lumahok ang naturang drill patungo sa RNHS ground na siyang itinakdang evacuation area.
Ayon kay Rosemarie M. Mangaring, punong guro ng RNHS, ang naturang aktibidad ay inisyatibo ng kaniyang tanggapan upang magkaroon ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga estudyante na mas vulnerable kung sakaling may mangyaring pagyanig.
Hudyat ang isang minutong pagtunog ng alarma bilang simula ng drill kung saan maayos na lumikas ang mga guro at estudyante mula sa kanilang silid aralan gamit ang cover technique.
Kabilang din sa drill ang pagpapakita kung paano sagipin at bigyan ng tamang first aid at kalinga ang mga nasugatan sa lindol. Sinabi naman ni MDRRM Officer Caesar Saul M. Malaya, na layunin ng ganitong uri ng aktibidad na isulong ang kaligtasan ng bawat isa at maituro sa lahat ang kahandaan at wastong mga hakbang at proseso kung sakaling magkaroon ng lindol at iba pang sakuna na konektado dito.
Bawat buwan ay regular nang isinasagawa ng pamunuan ng RNHS ang naturang drill upang mahasa ng husto ang mga estudyanteng sasanayin bilang mga first responder.