Naging mabango at popular si Pangulong Duterte kahit noong sya’y tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo lalo na sa hanay ng mga OFWs o Overseas Filipinos dahil isa sa bukambibig nito, magsisiuwian na ang mga OFWs para sa Pilipinas na lang magtrabaho. Kung iintindihing mabuti, hindi lamang ito literal na ‘pag-uwi’ kundi nagsusuhestiyon ito na hindi na nanaisin ng mga OFWs na sa ibang bansa magtrabaho upang doon kumita ng malaking salapi, kundi sa Pilipinas na lang. Pinaniniwalaan ko na ang pagkakaintindi ng mga maraming mga OFWs kasama na ako – kayang tumbasan ng trabaho sa Pilipinas ang kinikita ng mga OFWs sa ibang bansa.
Kahapon (July 9, 2017) ay umalingawngaw sa pahayagan at internet ang pahayag ni Senator Joel Villanueva, na tila masaya pa nitong ibinabalita na may nakaabang na 17,000 trabaho para sa mga Pinoy sa Europe.. Abah, ay maganda nga itong balita dahil una, marami-rami ring mga kababayan ang masasabi nating mabibiyayaan ng trabaho sa ibang bansa na mataas ang halaga na sahod katumbas sa Pinas.
Ang kaso, ang excitement ng Senador ay tila taliwas sa pangako ng administrasyon na ‘wala nang mag-aabroad’.
Bakit nga ba ganun? While humahanga din naman ako sa administrasyon sa matayog na ambition o vision nito para sa mga OFWs, ang kaso nga lang po mga Sirs, alam naman po natin na may tinatawag po tayo sa ‘visioning’ or ‘setting-up of goals’ na SMART – S-pecific, M-easurable, A-ttainable, R-ealistic, T-ime bounded. E, yang sinasabi po ninyo na ‘wala ng mag-aabroad’ yan po ay mas malabo pa ata sa sabaw ng sinaing.
Halimbawa na lamang sa hanay ng mga enhinyero, kaya kayang paswelduhin ng gobyerno o mga kumpanya sa Pilipinas ang isang enhinyero ng halos kalahating milyong peso kada buwan?
Kung meron man po siguro na ‘wag munang papagtrabahuhin sa ibang bansa, ay pili lamang na sektor tulad ng mga nasa Household Services, lalong-lalo sa Gitnang Silangan dahil mataas ang antas ng mga pag-abuso. Samakatuwid ay hindi po pwedeng lahatin.
Personally, ako’y naniniwala na ang ambisyon na ‘wala ng magtatrabaho sa ibang bansa na mga Pinoy’ ay suntok sa buwan. Malabo po itong mangyari.
Bilang isang OFW mismo, mas nais ko pong imungkahi sa ating gobyerno na pag-ibayuhin na lamang ang mga serbisyo ng mga ahensiyang sumasaklaw sa mga manggagawa sa ibang bansa.