Nagsimula na nitong Lunes na maghigpit ang Cajidiocan Municipal Police Station sa mga motoristang bumabiyahe sa kalsadang kanilang nasasakupan.
Sa text message ni Police Inspector Edwin Bautista sa Romblon News Network, sinabi nitong target nilang mabawasan ang mga over-loading at mga minors na nagmamaneho sa kanilang bayan.
“…sila kasi yung dumadami ang sa talaan namin na naaksidente,” laman ng text message ni Inspector Bautista.
Ayon naman kay Sanguniang Bayan Member Marvin Ramos, ang hindi pagsusuot ng helmet ay may multang P1,500 sa unang offese, P2,000 sa ikalawa, at P3,000 sa ikatlo.
Dagdag ni Ramos, marami umanong residente ng Cajidiocan ang mahihirapan magbayad ng ganito kalaki ang halaga ng kanilang babayaran.
Paliwanag naman ni Inspector Bautista, bibigyan umano nila ng chance ang mga mahihirap na residente ng Cajidiocan na ilista nalang muna sa logbook nila kung sakaling mahuli kung kailan nila kayang kompletuhin ang kanilang mga papeles o requirement katulad ng lisensya o registration ng mga motorsiklo.
Mga rider sa Cajidiocan, kumaunti dahil sa paghihigpit
Dahil sa nangyaring paghihigpit ng kapulisan, marami na umanong motoristang mas pinipiling maglakad nalang kesa gumamit pa ng motorsiklo papasok ng opisina o di kaya’y paaralan dahil sa kawalan ng mga helmet.
Sinabi naman ni Ramos na iimbitahin nila ang mga kapulisan ng Cajidiocan Municipal Police Station na nagpapatupad nito sa kanilang session sa susunod na Linggo.
Aniya, maganda umano ang layunin ng kapulisan ngunit medyo may problema sa pagpapatupad nito dahil ang National Law umano na basihan nila ay hindi umaangkop sa mga bayan o probinsya katulad ng Cajidiocan.
Tanong ni Ramos, paano nalang umano kung hindi deputized ang manghuhuli, ano umano ang maaring implikasyon nito sa mga mahuhuling mamayan ng Cajidiocan. Dagdag pa ni Ramos, paano umano ang manner of payment kung sakaling mahuli; kanino at saan magbabayad at kung gaano kabalis maibabalik ang kanilang mga lisensya?
Ganun pa man umano, maganda rin umano ang layunin ng kapulisan, ayon kay Ramos. Maliban umano sa mababawasan ang accident rate sa bayan at magiging disiplinao roon, magiging basis umano ito na magrequest ng sub-office ng LTO para sa Isla ng Sibuyan Island para mas mabilis na ang transaksyon sa ahensya.