Ilulunsad ngayong Agosto ng Munisipyo ng Odiongan ang programang “Trash in a Bottle”, isang programang makakatulong sa pagbabawas ng mga basurang plastic at plastic bottles at pag-convert sa mga ito para maging EcoBricks.
Sa Facebook post ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan, sinabi nitong bibilhin ng munisipyo ang mga plastic bottles na may lamang mga basura katulad ng ng mga sachet ng shampoo, balot ng kendi, tsitsieria o biskwit, mga label ng mga bote, atbp.
Gagamitin umano ito sa paggawa ng mga projects kapalit ng hollow blocks katulad na ginagawa na sa ibang lugar.
Payo ni Mayor Fabic, simulan na umano ngayon palang ang pag-lalagay ng mga plastic sachets sa mga plastic bottles at umantay na sa guidlines kung paano umano ito maibebenta.
Naglaan umano ang munisipyo ng Odiongan ng P500,000 para sa nasabing proyekto.
Ang nasabing proyekto ay hinango sa ginawa ng Hug It Forward na kung saan ginamit ang mga naipong plastic bottles sa pagpapagawa ng isang paaralan sa Guatemala, isang bansa sa Central America.
Sa bayan ng Romblon, may plastic bottle library na ring naipatayo sa Cobrador Elementary School ang isang NGO katulong ang munisipyo ng Romblon, Romblon.