Umabot sa kabuuang 4,094 katao ang nabenepisyuhan ng “Capitol Caravan” na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon sa tatlong bayan sa isla ng Sibuyan noong Hulyo 11-14.
Personal na pinangunahan ni Governor Eduardo C. Firmalo ang pagsasagawa ng apat na araw na libreng medical mission, dental mission, gupitang bayan, pamamahagi ng binhi ng gulay at prutas, pamimigay ng sisiw, pagkakaloob ng hand tractor sa farmers’ association, massage services, dog immunization, tax information campaign at PhilHealth membership registration sa mga bayan ng Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando.
Naging katuwang ng gobernador sa pagbibigay ng serbisyong medical at dental ang mga health workers ng Provincial Health Office at Rural Health Units sa isla ng Sibuyan.
Panghunahing layunin ng aktibidad na ito na maipakita o maiparamdam sa mga taga-Sibuyan ang malasakit ng pamahalaang panlalawigan upang pawiin ang hinampo ng mga ito dahil sa hindi raw naaamutan ng tulong ang mga nakatira sa naturang isla.
Batay sa talaan ng kapitolyo, umabot sa 1,152 na pasyente ang sumailalim sa medical check – up, 365 katao ang nabunutan ng ngipin, 358 ang nabigyan ng libreng gupit, 135 ang nagpamasahe ng katawan, 203 ang naipa-myembro sa Philhealth, 50 na alagang aso ang nabakunahan, 446 na indibidwal ang nabigyan ng libreng binhi ng gulay, 90 katao ang napagkalooban ng seedlings ng mga prutas, 60 naman ang nabigyan ng sisiw na palalakihin / pararamihin, 3 asosasyon ng magsasaka ang nakatanggap ng hand tractor at 1,230 ang matamang nakinig sa tax information ng provincial treasurer.
Ang mga nagpakonsulta sa medical at dental mission ay binigyan ng libreng gamot, vitamins at oral hygiene kit sa mga nagpabunot ng ngipin.
Nagpahatid din ng pasasalamat ang punong lalawigan sa mga kawani ng Philippine National Police at Army Reservist sa pagbibigay ng seguridad sa mga taong kasama sa caravan.