Binuksan ngayong araw ang isang araw na Job Fair sa Odiongan, Romblon sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) na ginanap sa Romblon State University (RSU) covered court kung saan ay dinagsa ito ng mga job seekers na mga Romblomanon.
Ang naturang job fair ay nakapaloob sa national program ng DOLE at DTI na kung tawagin ay TNKK o Trabaho, Negosyo, Kabuhayan at Konsyumer na may temang: Convergence for Employment, Livelihood, Entrepreneurs and Consumers.
Layunin ng nasabing programa na ilapit sa mga job seekers ang mga ahensya na naghahanap at nangangailangan ng tranaho. Dinagsa naman ito ng mga aplikante kung saan ay nanggaling pa sa ibat-ibang bayan sa buong lalawigan ng Romblon.
Dumalo rin sa naturang programa at ibat ibang mga indibidwal na nagmula sa ibat ibang sector ng lipunan sa lalawigan.
Kabilang rin sa mga ahensya ng gobyerno na sumuporta sa nasabing aktibidad ay ang DOST, DSWD, DOT at OWWA.
Sa kanyang pambungad na pananalita ay tinalakay ni RSU President Arnulfo De Luna ang epekto ng Federalismo sa mga participants partikular sa mga magsasaka.
Naging panauhin naman sa naturang aktibidad si Mayor Trina Firmalo-Fabic at kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng nasabing programa kung saan ay malaki umano ang maitutulong nito sa mga kababayan na naghahanap ng trabaho upang maiangat ang kanilang kalagayan sa buhay. Dagdag pa ni Mayor Trina na dapat umanong samantalahin ng mga naghahanap ng trabaho ang mga ganitong oportunidad kung saan ay maraming mga agency — Local at International – na sumali sa nasabing job fair.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin naman ni Assistant Regional Director Rudy Mariposque ng DTI ang kahalagahan ng nasabing job fair at ang programang TNKK. Anya, dapat na samantalahin ng mga Romblomanon ang ganitong programa dahil bihira lamang umano na nagkakaroon ng ganitong job fair.
Ipinaliwanag at ipinakilala naman ni DOLE Provincial Director Carl Villaflores ang mga participating agencies na sumali sa nasabing job fair tulad ng Palawan Pawnshop, Boracay Option Tours & Travel Service Inc., ASCEND International Services, Inc., Global Manpower Services, at Marinduquena International Manpower Services. Gayundin, binigyang halaga rin ni Villaflores ang mga lokal na mga ahensya na nakilahok tulad ng St. Vincent Ferrer Coop., Romero-Servanez Accounting Firm at iba pa.