Natawa naman ako ng mabasa at mapanood ko ang balita ng ABS-CBN tungkol sa sinadyang pagtapon ng mga basura kaugnay sa Clean Up Drive sa Manila Bay nitong nakaraang Biyernes ng umaga na pinangunahan ni Manila Mayor Joseph Estrada. Ang ginawa, sinadayang nagtapon ang grupo ng mga basura upang muling pulutin ang mga ito para sa publicity imbis na puntahan ang mga parte ng Manila Bay na marumi dahil sa nagkalat na mga basura, dalawang lalaki pa ang lumusong sa tubig para ikalat ang mga basura malapit sa bangka na alkalde.
Aminado naman tayo mga ka-RNN na maganda rin naman sana ang layunin sa likod ng kampanya, sino ba ang aayaw na malinis ang ating Manila Bay. Ang impresyon nga lamang, pedeng mameke itong ating mga pulitiko at gumawa pa ng taliwas sa batas (may batas na nagbabawal sa pagtapon ng basura sa Manila Bay) para lamang sa tinatawag na ‘publicity’.
Kung sa ibang kampanya yan mga Ka-RNN e di baga ‘tanim-ebidensya’ na maituturing yan?
Ayon kay Undersecretary Maria Paz Luna, OIC ng Legal Legislative Affairs and Anti-Corruption ng DENR, hindi naman daw malinaw kung ang Mayor nga ang nag-utos sa pagpapatapon ng mga basura, at hindi rin naman nakita na sya mismo ang nagtapon nito, kaya’t hindi pa malinaw kung may pananagutan ang alkalde, dagdag pa sa ulat ng ABS-CBN.
Sa ngayon, ang tanging malinaw ay ‘drama lang ang peg’ ni mayor para sa publicity ng kanilang Clean Up Drive.