Dalawang motor boats mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Mimaropa ang ipinagkaloob sa bayan ng Romblon at Odiongan upang magamit ng quick response team ng Romblon Provincial Fishery Office sa karagatang sakop ng lalawigan.
Ang dalawang motor boats ay pinagawa ng BFAR sa Palawan bago ibyinahe ito patungo sa lalawigan ng Romblon.
Pangunahing misyon ng dalawang bangkang de-motor ang magpatrolya sa karagatang sakop ng Romblon upang mabantayan ito sa mga mangingisdang iligal na pumapasok sa teritoryo ng lalawigan at masawata rin ang mga gumagamit ng iligal na paraan ng paghuli ng isda.
Ayon sa BFAR Romblon, napakalawak ng dagat na nakapalibot sa bawat island municipalities ng probinsiya ng Romblon ang kailangang mabantayang mabuti dahil sobra ng naabuso ang pangisdaan dito kung kaya kumonti na ang nahuhuling isda ng mga namamalakaya sa karagatan.
Ikinatuwa naman ito ng mga mangingisdang taga-Romblon dahil mayroon na silang kakampi sa pagsugpo sa mga pasaway sa dagat at umaasa silang dadami na rin ang kanilang mahuhuling isda.