Usong-uso ngayon ang mga pagpatay na mga tinatawag na ‘riding in tandem’ang nasa likod. Walang pinipiling lugar at oras. Walang sinasantong biktima.
Kaya nitong Martes (July 25) ay ipinasa na ng Senado ang panukalang batas na naglalayong lakihan ang sukat ng plaka ng mga motorsiklo. Motorsiklo kasi ang kadalasang ginagamit na sasakyan ng mga riding in tandem killers upang isagawa ang krimen.
Ang tanong, nasilip kaya ng Senado o kaya ng proponent nitong panukalang batas na ito ang mas matimbang na rason kung bakit walang takot o pangamba na pumatay itong mga kriminal?
Ang rason ba kung bakit walang takot na pumapatay itong mga riding in tandem killers ay dahil sa maliit na sukat ng plaka ng motorsiklo? O baka naman ang mas mabigat na rason diyan ay dahil natatakpan naman ang mukha nila at kahit pa may CCTV o mga witness na makakita sa kanila ay hindi naman sila makikilala?
Walang saysay kahit pa parang signboard na sa laki ang plaka ng motorsiklo, kung ito naman ay pedeng peke-in o kaya ay ninakaw lang upang gamitin sa krimen, kung di rin naman makikilala ang mga killer.
Bakit hindi na lang baguhin ang batas na naguutos sa mga riders na magsuot ng helmet? Huwag na itong ipatupad, kahit pa ang layunin nito ay para sa safety ng rider sa oras ng aksidente, tutal kung talagang maaaksidente, kahit pa naka helmet ay patay pa rin kung talagang oras na. Kumbaga, ‘at your own risk’ na lang ang pagmomotor ng walang helmet.
Kung aalisin o babaguhin itong batas sa pagsusuot ng helmet o ano pa mang takip sa mukha at huhulihin ang sinumang rider na lalabag dito, dahil sa mas madaling makilala ang mga riders, baka naman mas maresolba ang patayang gawa ng mga riding in tandem killers.