Siya si Pearl Ramal Isidro, taga Sitio Tuburan, Sta. Maria, Romblon.
Kasalukuyang nasa ika-3 baitang sa Concepcion Norte Elem. School.
Araw-araw siyang hatid-sundo ng kanyang nanay na si Aling Rosela na halos humigit kumulang 3 kilometro ang nilalakad mula sa kanilang tahanan habang tulak ang improvised na wheelchair yari sa lumang bisekleta para lang may masakyan si Pearl.
Ang kapansanan umano ni Pearl ay in-born na o simula pa ng siya ay maipanganak.
Habang nagsasagawa ng survey ang mga tauhan ng Yellow Boat of Hope Foundation at ilang mga volunteer galing sa bayan ng Sta. Maria ay nakita nila ang kalagayan ni Pearl na siyang nagpa-antig ng kanilang damdamin at napag planuhan nilang gawan ito ng video clip para i-upload sa Facebook Account ni Ms. Che Ingles.
Dito na nakita ng mga kaibigan ni Ms. Ingles ang video na naging dahilan para mabigyan si Pearl ng tulong para sa kanyang pagpapagamot at mabigyan rin ng wheelchair. Nakapagpatingin rin si Pearl sa Philippine General Hospital sa Manila dahil sa mga taong may ginintuang puso na tumulong sa kanya.
Sa ngayon, si Pearl ay patuloy pa rin na nangangarap para labanan ang hamon ng buhay at ang paniniwalang hindi hadlang ang kapansanan upang ituloy ang buhay.
Sa mga taong nagbigay ng tulong sana patuloy at hindi kayo magsasawa na magbigay inspirasyon at nawa’y magsilbi kayong magandang halimbawa sa susunod pang henerasyon.