Nanginginig sa lamig at basang basa ng ulan ang 7 mag-aaral ng Gabawan Elementary School kasama ang isang matanda ng maabutan ng rescue team ng Municipal Disasater Risk Reduction and Management Council ng Odiongan, Romblon nitong hapon ng July 18.
Na-trap kasi ang walo sa gitna ng Gabawan River sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon bandang ala-una ng hapon matapos na tumaas ang tubig sa ilog sanhi ng malakas na buhos ng ulan.
Isa-isang iniligtas ang mga bata ng mga tauhan ng Odiongan MPS, BFP, at Coast Guard, sa pamamagitan ng itinaling lubid sa puno. Naging pahirap pa sa rescue operation ang madulas ang na lupa at ang malakas na daloy ng tubig.
Ayon sa ina ng ilan sa mga bata, bandang alas-12 umano ng tanghali ng dumaan sila sa ilog galing sa paaralan nang maabutan ng malakas na buhos ng ulan. Nasa gitna na umano sila ng ilog ng maabutan ng rumaragasang tubig.Dahil dito hindi na sila nakaalis sa lugar dahil sa pagtaas bigla ng tubig.
Sumilong umano muna sila sa puno at aantayin sanang palipasin ang ulan ngunit patuloy ang pagbuhos ng ulan kaya minarapat nilang humingi ng tulong. Nakita sila ng ilang guro ng paaralan kaya nakahingi ng tulong agad sa Barangay.
Inuwi na sa kanilang mga magulang ang mga bata matapos matingnan ng health office na ligtas sila.