Arestado ang isang konsehal ng bayan ng Pola, Oriental Mindoro matapos mahuli sa Calapan Port sa Calapan City na may dalang mga troso.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino ng Regional Police Information Office MIMAROPA, inaresto si Konsehal Ancieto Villanueva, 53 at si John Denver Atienza, 29 ng mga tauhan ng Calapan City Police Station at Philippine Coast Guard.
Nakuha umano sa kanila ang mahigit kumulang 8,000 board feet ng undocumented cocolumber na ibabiyahe sana patungong Metro Manila galing Pola, Oriental Mindoro.
Nagkakahalaga umano ang mga nasabat na kahoy na sakay ng isang truck ng halos P70,000.
Hawak na ngayon ang dalawa ng pulisya. Hindi sila nagbigay ng pahayag.
Matatandaang nitong July 11, isa ring truck na may lulang mahigit kumulang 8,000 board feet rin na assorted size ng cocolumber ang nasabat ng Pulisya at Coast guard sa Calapan Port.